Ang kamuhi-muhing mga negosyo ni Razon

,
Ang artikulong ito ay may salin sa EnglishBisayaHiligaynon

Sa karera ng mga bilyunaryo, nasa ikalawang pwesto si Enrique Razon Jr., isa sa pinakamalaking burges-kumprador na kroni ni Duterte. Sa nagdaang anim na taon, napaburan siya sa mga kontrata sa gubyerno at militar, at nagkamal ng tubo mula sa pawis ng mga manggagawa at iba pang uring anakpawis. Sa panahon ng pandemyang Covid-19, halos doble ang inilaki ng kanyang yaman. Mula ₱182.7 bilyon noong 2020, umaabot sa ₱360 bilyon ang kanyang deklaradong yaman ngayong taon. Hindi pa kasama dito ang nakatagong mga deposito sa dayuhang mga bangko.

Pinakahuli sa mga pamumuhunan ni Razon Jr ang ipinagyayabang niyang pinakamalaking solar farm sa buong mundo na makukumpleto sa 2027. Ang solar farm ay planta ng kuryente na kumukuha ng enerhiya mula sa sinag ng araw. Noong 2020, sinaklot ni Razon ang 50% ng kumpanyang Solar Philippines Tarlac Corp. na pag-aari ni Leandro Leviste.

Hindi pa isinasapubliko ang lokasyon ng solar farm, pero sa ngayon, naangkin na ng Solar Philippines ang 10,000 ektarya sa Batangas, Nueva Ecija at Tarlac na karamiha’y dating sakahan ng mais at palay. Inihahambog ni Razon na hihigitan niya ang kasalukuyang pinakamalawak na solar farm sa India na sumasaklaw ng 5,700 ektarya.

Pinalalabas ni Razon na mabuti sa kalikasan ang kanyang solar farm. Ang hindi niya sinasabi, patuloy rin ang mapanirang operasyon ng kanyang mga kumpanya sa pagmimina, pagtatayo ng mga dam at de-karbon na planta ng enerhiya sa loob at labas ng bansa. Katumbas din ng kanyang proyekto ang pagkamkam sa libu-libong ektaryang lupang agrikultural, at pagkawala ng kabuhayan at tirahan ng mga magsasaka.

Kilalang kroni ni Marcos Sr ang pamilyang Razon na nagsilbing tau-tauhan sa pagkamal ng diktador ng milyun-milyong dolyar na halaga ng ari-arian. Si Razon Jr naman ay kilalang kroni ng bawat umupong presidente, laluna mula dekada 2000. Pinondohan niya ang pagtatayo ng National Unity Party at kamakailan ay nagtustos sa kampanya ni Marcos Jr.

Sa ilalim ni Duterte, magkakasunod na sinakmal ni Razon Jr ang Manila Water at mga kumpanya sa kuryente, ang Apex Mining, mga casino ni Dennis Uy, at iba pa. Naisantabi rin ang kaso laban sa kanya na estafa dahil sa hindi pagbigay ng sapi sa isang kasosyo.

Isa sa pangunahing kumpanya ni Razon Jr ang International Container Terminal Services Inc (ICTSI) na bantog sa pang-aapi sa mga manggagawa sa daungan. Nakapuwesto ang ICTSI sa 30 piyer sa 18 bansa, na karamiha’y mahihirap at siil ang karapatan ng mga manggagawa. Saanmang dako ng mundo na may operasyon ang ICTSI, dinaranas ng mga manggagawa ang kasakiman at lupit ni Razon Jr.—mababang sahod, pagpapatrabaho nang di-ligtas, at maramihan at iligal na tanggalan ng mga unyonista upang palitan ng mga walang benepisyo.

Sa Africa, monopolisado ng ICTSI ang operasyon ng piyer sa Madagascar kung saan 62% ng populasyon ay nabubuhay sa labis na kahirapan. Kontrolado ng kumpanya ang daloy ng inaangkat na pagkain sa bansa, kaya walang pangingimi si Razon nang aminin niyang ang singil doon ay 500% mas mataas kumpara sa ibang bansa.

Sa Pilipinas, nasa panganib ang mga komunidad sa Rizal at Kalinga dulot ng mapangwasak na mga proyektong dam ni Razon. Noon namang 2009, kung hindi lumaban ang mga taga-Catanduanes at kanilang mga tagasuporta, nakamkam na sana ni Razon ang may 7,000 ektaryang lupaing miminahan ng karbon.

Batid ni Razon na mahalagang sangkap sa pamamayani ng kanyang mga negosyo ang pagsandig sa militar, kaya’t busog din sa pondo ang mga mersenaryo. Ipinagtayo niya ang Philippine Military Academy ng ₱549-milyong gusali. Sa kasagsagan ng pagpulbos sa Marawi City, nagsuplay siya sa militar ng mga kasangkapan sa gera, maliban pa sa pagkain at iba pang kagamitan ng mga sundalo.

Samantala, ipinwesto niya si dating Col. Michael Ray Aquino bilang upisyal sa seguridad ng kanyang casino at kumpanyang mina. Nakaatang sa tinaguriang “berdugo ni Lacson” ang pagtiyak sa “corporate social responsibility” (o umano’y “pananagutan ng kumpanya sa lipunan”), na walang iba kundi paglilinis sa mga kasamaan ng kumpanya at pagpapatahimik sa naagrabyadong mga komunidad.

Ang kamuhi-muhing mga negosyo ni Razon