Tagapagtanggol ng kalikasan, inaresto
Iligal na inaresto ang tagapagtanggol ng kalikasan na si Vertudez “Daisy” Macapanpan, 68, sa Barangay Burgos, Pakil, Laguna noong Hunyo 11. Dinumog ang kanyang tahanan ng 40 na elemento ng mga yunit ng pulis. Katatapos lamang niya noong magbigay ng pahayag sa isang pagtitipon laban sa mapanirang Ahunan Pumped-Storage Hydropower Project na planong itayo sa Mt. Inumpog sa Sierra Madre.
Apat na kaso ng pang-aaresto, isang kaso ng pagpaslang at isa ring tangkang pagpaslang ang naiulat sa nakaraang mga linggo.
Binaril at napatay ng mga elemento ng 7th IB ang Lumad na si Calisa Langgaw, 57, residente ng Sityo Matingaw, Barangay Tacuhin, Palimbang, Sultan Kudarat noong Hunyo 6. Pinaslang si Langgaw, isang kagawad ng barangay, habang nangangaso sa burol ng Oh Luson, sakop ng Sityo Matingaw. Pinalabas ng mga sundalo na kasapi siya ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) at tinaniman ng ripleng M16.
Sa Sorsogon, walang habas na pinagbabaril ng mga di-kilalang lalaki noong Mayo 29, alas-9 ng gabi ang mag-amang magsasaka sa Barangay Gabao, Irosin. Nasugatan sa pamamaril ang 16 anyos na bata at kanyang ama.
Noong Hunyo 4, hinalughog at ninakawan ng mga sundalo ng 31st IB ang bahay ni Ricky Evaso, isang magsasaka sa Barangay Olandia, Barcelona sa parehong prubinsya. Ninakaw ang kanyang perang ₱7,000 na pambili sana ng biik at aalagaang kuneho.
Nagsimula ang operasyong militar ng 31st IB sa mga bayan ng Gubat, Barcelona at Bulusan mula Mayo 24. Nagkakampo ang mga sundalo sa barangay hall at kapilya ng mga barangay sa naturang mga bayan. Nagpatawag ng pulong ang mga sundalo noong Hunyo 2 sa Barangay Bugtong sa Barcelona para piliting “sumurender” ang mga residente.
Sa Ifugao, dinampot at sapilitang pinasuko ng 7th ID si Emmanuel Tan sa Barangay Namal, Asipulo noong Mayo 30. Si Tan ay isang organisador pangkultura sa komunidad ng mga magsasaka at katutubo sa lugar.
Noong Hunyo 12, iligal na inaresto ng mga sundalo ng 62nd IB si Macario Fat Sr, isang lider-magsasaka, sa Guihulngan CIty.
Sa Masbate, mula Mayo 30 hanggang Hunyo 1, dalawang magsasaka ang hinuli sa kasong pagpaslang at paglabag sa Anti-Terror Law, habang ang tatlong kasama nila sa kaso ay sapilitang pinasurender ng lokal na pulis sa bayan ng Cataingan. Inakusahan silang mga kasapi at tagasuporta ng BHB.