Nakalalasong industriya sa kemika
Susi ang industriya sa kemika at mga produktong kemika sa produksyong pang-agrikultura at halos lahat ng subsektor ng pagmamanupaktura. Kinikilala itong gulugod sa pambansang industriyalisasyon. Isa ito sa mga industriyang nangangailangan ng mataas na antas na teknolohiya at may relatibong mataas na dagdag-halaga.
Sa Pilipinas, ito ang pangatlong pinakamalaking subsektor sa pagmamanupaktura—sunod sa pagkain at elektroniks. Noong 2021, umabot sa ₱390 bilyon ang dagdag-halaga ng subsektor. Binuo nito ang 11%-12% na pangkalahatang dagdag-halaga sa sektor ng pagmamanupaktura. Ang pinagsamang halaga ng kalakalan nito (abereyds na ₱7 bilyon kada taon) ay bumubuo sa 6.7% ng gross domestic product.
Gayunpaman, maliit at tagibang ang industriyang kemika sa bansa. May mga susing produkto, tulad ng pataba at gamot, na hindi sapat ang produksyon para tugunan ang lokal na pangangailangan. Sa kaso ng pataba, inaangkat ng Pilipinas ang 95% ng pangangailangan ng mga magsasaka. Nakaasa rin ang lokal na pagpoproseso sa petrokemika at ibang batayang sangkap at elemento na kailangang iangkat.
Sa kabilang banda, sinasabing sapat o di kaya’y sobra ang kapasidad sa pagmamanupaktura ng produktong pangkonsumo tulad ng mga plastik na kubyertos, pambalot (wrapper), lalagyan (container), mga supot at styrofoam. Ang mga plastik na ito na tinatawag na single-use (isahang gamit) ay kabilang sa pinakanagdudulot ng polusyon sa mundo, sumisira sa mga ekosistema at pumapatay sa maraming hayop sa dagat.
Sa nakaraan, mayor na eksporter ng glycerin ang Pilipinas, isang oleokemika na mula sa niyog. Ginagamit ito sa paggawa ng sabon at ibang produktong pangkalinisan. Mula 2010, relatibong mas mababa na ang pandaigdigang demand para rito dulot ng paglakas ng palm oil bilang panghaliling sangkap. Unti-unti nang naungusan ang Pilipinas ng eksport ng palm oil mula sa Malaysia at Indonesia na mas mura at sagana.
Noong 2019, mahigit 1,400 kumpanya ang nakarehistro sa industriyang kemika at 46,000 klase ng pinoprosesong kemika sa lokal na imbentaryo. Halos kalahati (43%) sa mga ito ay nagmamanupaktura ng plastik na bumubuo sa 26% sa kabuuang produksyon ng kemika sa bansa. Kabilang sa mga gawang produkto nito ang plastik na gamit-bahay, tubo at gamit sa mga negosyo. Ang iba pang produkto ay mga batayang kemika tulad ng alkohol, industrial gas at resin (22%); at mga produktong gawa sa goma tulad ng gulong at tsinelas (7%). Ang mayorya (45%) ay nakakategoryang “iba pang produktong kemika” tulad ng mga pabango, gamot, pintura, sabon at shampu, tinta, kosmetiks, pataba, pestisidyo, lubricant (langis, grasa at iba pa) at pampadikit.
Dominado ang industriya ng mga multinasyunal na kumpanya tulad ng Dow Chemicals Pacific Ltd (US), Du Pont Far East Incorporated (France) at Bayer (Germany) at malalaking agrokemika na kumpanyang Monsanto (binili ng Bayer) at Syngenta (China). Sa lokal, kabilang sa may malalaking operasyon ang Petron at JG Summit, Chemrez Technologies, Mabuhay Vinyl Corporation, Pacific Boysen Paint at RiChemical Corporation. Matatagpuan sa Metro Manila, Bataan, Batangas, Cebu, Leyte, Negros at Iligan ang mayor nilang mga pabrika.
Nakalalasong lugar sa paggawa
Direktang inieempleyo sa industriya ang 93,000 manggagawa. (Lumiit mula 147,000 noong 2013.) Tulad ng marami sa sektor ng industriya, laganap ang kontraktwalisasyon at mababang pasahod sa subsektor. Dagdag dito, bantog ang mga pabrika nito sa produksyong atrasado at malalalang paglabag sa mga tuntuning pangkaligtasan at pangkalusugan na nagdudulot ng pagkakasakit at pagkamatay ng mga manggagawa.
Isa sa pinakamalaking trahedya sa paggawa ang sunog sa Kentex Manufacturing Incorporated, isang pagawaan ng gomang tsinelas, noong 2015. Namatay sa sunog ang 72 manggagawa, karamihan kababaihan, at daan-daan ang hindi na natagpuan. Liban sa di maayos na pag-imbak ng mga kemika na madaling masunog, animo’y ikinulong sa hawla ang mga manggagawa kung kaya’t di sila nakalabas nang sumiklab ang apoy. Kalakhan sa kanila ay mga kontraktwal na walang mga benepisyo. Noong 2020, pinawalangsala ng korte sa kriminal na pananagutan ang mga upisyal ng kumpanya at tauhan ng Bureau of Fire Protection na nagbigay ng permit kahit hindi pasado sa mga tuntuning pangkaligtasan ang pabrika.
Isa pang kaso ng di ligtas na lugar ng trabaho ang pabrika ng Pepmaco, isang kumpanyang gumagawa ng sabon at shampoo. Isa sa mga hinaing ng mga manggagawa dito ang pagpapahawak at pagpapaproseso sa kanila ng kemikang nakasusulasok at nakaaagnas ng balat nang walang proteksyon. Gamit ng kumpanya sa paggawa ng sabon ang Zeolite, isang kemika na nagdudulot ng kanser. Dumagdag ito sa isyu ng kontraktwalisasyon, pambabarat ng sahod at panggigipit sa mga myembro ng kanilang unyon.