Ninakaw na eleksyon

,
Ang artikulong ito ay may salin sa EnglishBisayaHiligaynon

Kumbinsido ang mga eksperto ng nagdaang eleksyon na nagkaroon ng election rigging o malawakang pandaraya sa eleksyon para paboran si Ferdinand Marcos Jr. Naisagawa ito sa pamamagitan ng pagprograma ng mga vote counting machine (VCM) para awtomatikong magdagdag at magbawas ng boto pabor kay Marcos.

Kabilang sa mga eksperto sa teknolohiya at eleksyon sina dating upisyal ng Comelec at NAMFREL na si Gus Lagman, dating Kalihim ng Department of Information and Technology na si Eliseo Rio at dating upisyal sa banko na si Franklin Ysaac. Ipinunto nila na walang nakamasid na mga eksperto sa teknolohiya nang ilagay ang mga SD card sa mga VCM. Taliwas sa mga alituntunin sa batas sa eleksyon, hindi ipinatupad ang pagkakaroon ng digital signature ng mga SD card. Sa gayon, walang nakakaalam kung ang SD card na siniyasat ng mga eksperto ang siya ring inilagay sa mga VCM. Mayroong mahabang panahon kung saan maaaring binago o pinalitan ang laman ng mga SD card para likhain ang padron na nagpapakita ng walang pagbabago ng porsyentuhan sa pagitan ng mga boto para kay Marcos Jr at Leni Robredo na 68-32.

Sa araw ng eleksyon, maaari pa ngang hindi binilang ang aktwal na mga boto, anila. Walang paraan upang tiyakin na tama ang bilang na inilabas ng mga VCM.

Kaugnay nito, kinwestyon nila ang napakabilis na transmisyon ng mga boto sa mga kompyuter ng Commission on Elections (Comelec) at ang pagtatambak ng mga resulta nang hindi sinasabi o ipinababatid kung saang presinto nanggagaling ang mga ito.

Bago pa man ang eleksyon, malinaw nang kulang na kulang ang mga hakbangin upang tiyakin na bukas sa publiko ang sistema ng halalan. Isa rito ang random manual count sa 200 presinto na anila’y hindi totoong random (pinili nang walang padron) dahil magmumula ang listahan sa 757 presinto na nauna nang pinili ng makina ng Comelec.

Giit nila, dapat gamitin ang sistemang tambyolo para piliin ang mga presintong bibilangin nang mano-mano sa pagberipika sa bilang ng mga VCM.

Ninakaw na eleksyon