4 na organisador, mag-asawang magsasaka, dinukot ng militar
Apat na aktibista at organisador ang dinukot ng armadong pwersa ng estado noong Mayo at Hunyo ayon sa ulat ng Kilusang Mayo Uno at Gabriela nitong Hulyo. Dagdag dito, dinukot ng 94th IB ang mag-asawang magsasaka sa Himamaylan City ngayong buwan.
Hindi pa rin natutunton ang mga biktimang sina Elizabeth “Loi” Magbanua at Alipio “Ador” Juat, parehong organisador ng mga manggagawa na nawawala mula pa Mayo 3. Huli silang nakita sa Barangay Punturin, Valenzuela City matapos dumalo sa isang pulong. Gayundin, hindi pa inililitaw sina Elgene Mungcal ng Gabriela Women’s Partylist at Ma. Elena “Cha” Cortez Pampoza ng Anakpawis na dinukot noong Hulyo 3. Huli silang nakita sa Winfare Supermarket, Moncada, Tarlac.
Sa Negros Occidental, dinukot ng 94th IB ang mag-asawang magsasakang sina Gerald Ganti at Dalen Alipo-on, mga kasapi ng Mahalang Farmer’s Association, sa Sityo Mambalayong, Barangay Mahalang, Himamaylan City noong Hulyo 15. Sapilitang pinasok at niransak ng mga sundalo ang bahay ng mag-asawa.
Pagpaslang. Napatay sa walang patumanggang pamamaril ng 62nd IB ang magsasakang si Pompeo Landisa sa Sityo Catuptop, Barangay Trinidad, Guihulngan City, Negros Oriental noong Hulyo 20. Pinalalabas na engkwentro ang naganap sa lugar.
Pag-aresto. Inaresto ng lokal na pulis si Gary Campos, isang gurong Lumad-Manobo, sa Tandag City, Surigao del Sur noong Hulyo 17. Dinampot siya ng mga pulis habang bumabyahe at ikinulong sa Butuan City Police Station. Kasapi si Campos ng organisasyong Lumad na nagtatanggol sa Andap Valley Complex laban sa pandarambong.
Sa parehong araw, iligal na inaresto ng mga pulis sa gawa-gawang kaso si Charlie Saliganan, isang sibilyan, sa Barangay Poblacion, Sta. Catalina, Negros Oriental.
Samantala, inaresto si Ramonito Mahinay sa gawa-gawang kasong illegal possession of firearms noong Hulyo 9 sa Sityo Kamanggahan, Barangay Tabon, Vallehermoso.
Noong Hulyo 6, inaresto ng 79th IB ang isang sibilyan sa Sityo Banwa Minatay, Barangay Marcelo, Calatrava, Negros Occidental. Bago nito, pinaulanan ng bala ng mga sundalo ang mga bahay sa sityo na nakasugat sa isang bata.
Sa Oriental Mindoro, limang sibilyan ang iligal na inaresto ng mga pulis sa Sityo Nara, Barangay Villa Pag-asa, Bansud noong Hulyo 5 sa gawa-gawang mga kaso. Kinilala ang mga biktima na sina Joel Raña Manis, Abegail Buendicho at ang mag-asawang Ricky at Sarah Hatulan, at isang hindi pa pinangalanan. Inaakusahan silang mga kasapi ng BHB.
Panggigipit. Hinaras ng mga sundalo ng 542nd Engineering Battalion ang pamilyang Mijares na nanunuluyan sa Sityo Lagtapon, Barangay San Antonio, Himamaylan City noong Hulyo 14. Nauna nang tinangkang dukutin ng parehong yunit ang 3-taong gulang na batang Mijares noong Hunyo 24.
Samantala, noong Hulyo 15, ginipit at hindi pinayagang makapag-enrol sa University of Makati ng administrasyon ng pamantasan si Althea Beatrice Papa, pambansang upisyal ng ng Kabataan Partylist. Binansagan siya at ang KPL bilang mga “terorista.”