Presidente ng Sri Lanka, pinatalsik ng dambuhalang protesta
Daan-daan libong galit na mamamayan ang sumugod at kumubkob sa palasyo ni President Gotabaya Rajapaksa sa Colombo, kabisera ng Sri Lanka noong Hulyo 9. Ang pagdumog sa palasyo ay rurok ng apat na buwang mga pagkilos ng mga Sri Lankan sa harap ng napakatinding krisis sa ekonomya, kagutuman at kahirapan.
Napilitang lumayas sa palasyo si Rajapaksa sa araw na iyon at upisyal na nagbitiw sa pwesto noong Hulyo 14. Tulad ng eksena nang pinalayas si Ferdinand Marcos Sr sa Malacañang noong 1986, tumalilis si Rajapaksa sakay ng eroplano ng militar patungo sa Maldives noong Hulyo 13. Lumipad siya tungong Singapore sa sumunod na araw.
Sa mga balita, makikita ang saya ng ordinaryong mamamayang Sri Lankan. Pinasok nila ang marangyang palasyo, kumain sa kusina nito, hinigaan ang kama ng presidente, lumangoy sa swimming pool at ginamit ang mamahaling mga kasangkapan.
Noong Mayo 10, una nang natulak na magbitiw bilang punong ministro ang kanyang kapatid na si Mahinda Rajapaksa. Ang ipinalit sa kanya ay si Ranil Wickremesinghe, isang malapit na alyado ng kanilang pamilya. Tinuldukan ng dambuhalang protesta ang dalawang dekadang paghahari ng mga Rajapaksa sa Sri Lanka.
Ang pamilyang Rajapaksa ay parang mga Marcos ng Pilipinas. Namuhay sila nang marangya sa gitna ng gutom at pagdurusa ng mamamayan. Sila rin ang responsable sa henosidyong digma noong maagang bahagi ng dekada 2000 na pumaslang sa halos 40,000 minoryang Tamil.
Ang kilusang tinaguriang Gota Go Home (Gota umuwi ka na) na sa kalauna’y naging Gota go to jail (Ikulong si Gota) ang naging sentral na panawagan ng mga protesta. Sa ngayon, ipinihit nila ang panawagan tungong Ranil Go Home (Ranil umuwi ka na) matapos iluklok bilang pansamantalang presidente noong Hulyo 14 ang alyado nilang si Wickremesinghe.
Nagdeklara ang Sri Lanka ng state of emergency sa parehong araw at nagbanta ng marahas na pagbuwag sa mga demonstrasyon pero di na ito ipinatupad ng mga pulis. Tumanggi rin ang mga korte na maglabas ng mga warrant of arrest laban sa mga raliyista.
Anong nangyari sa Sri Lanka?
Namuo ang makapangyarihang kilusang masa dulot pangunahin ng palpak na tugon ng gubyernong Rajapaska sa krisis sa ekonomya na ibinusod ng dambuhalang utang panlabas na di na mabayaran at pagkaubos ng reserbang dolyar nito. Pinalubha ito ng malawakang korapsyon, pagpataw ng mapaminsalang mga patakaran sa ekonomya, labis na konsentrasyon ng kapangyarihan sa iilan at palpak na tugon sa pandemya ng gubyerno.
Ang $55 bilyong utang panlabas ng Sri Lanka ay katumbas ng 69% ng kabuuang halaga ng lokal na produksyon sa bansa. Bahagi nito ay nilustay sa pagtatayo ng magagarbong imprastruktura na ipinaketeng magpapasikad sa ekonomya.
Noong Abril tumigil magbayad ng utang panlabas ang bansa at dahil dito, naging mahigpit ang muling pagpapautang sa Sri Lanka. Dahil sa mga paghihigpit sa ilalim ng pandemyang Covid-19, nagkaroon ng malawakang dislokasyon sa turismo, tumumal ng pag-eeksport ng tela, produktong niyog at iba pa (na lubhang nakasalalay sa iniiimport na materyales), at humina ang pasok ng dayuhang remitans mula sa mga manggagawang migrante.
Dahil dito, nasaid ang reserbang dolyar na ipinapambayad sa imported na langis, pagkain, gatas at gamot na kinakailangan ng bansa. Nasakal nito ang lokal na produksyong pang-agrikultura at pang-industriya, nagdulot ng malawakang kawalan ng kuryente at pagsirit ng mga presyo. Dagdag pa dito ang pagbagsak nang 77% ng halaga ng rupee (pera ng bansa) kontra sa dolyar mula 203 tungong 360 sa unang mga buwan ng taon.
Naging resulta nito ang matitinding kasalatan sa suplay ng pangunahing bilihin. Milyun-milyon ang nagdusa sa mahahabang pila para lamang makabili ng batayang pagkain, kerosene (ginagamit panluto) at gasolina. Pumalo nang 122% ang implasyon sa bansa noong Hunyo.
Inaasahan ng Partido Komunista ng Pilipinas na hindi ito ang magiging huling pag-aalsang bayan sa buong mundo dahil sa papalubhang sosyo-ekonomikong kalagayan ng masang anakpawis.