Ang panlolokong Coco Levy Fund
Pumutok simula huling bahagi ng dekada 1970 ang malawakang mga protesta ng mga magsasaka dahil sa panlolokong coco levy fund ng diktadurang US-Marcos I. Sa layong pakalmahin ang kanilang militanteng pagbangon, nagpalabas ang diktador na si Ferdinand Marcos Sr ng kautusan noong Setyembre 17, 1980 para isuspinde ang pangungulekta ng naturang buwis.
Hindi nito napakalma ang nagngangalit na mga magniniyog. Hindi nila basta-bastang tinanggap na bilyun-bilyong piso ang ninanakaw sa kanila ng diktadura, kasabwat ang mga monopolista sa niyugan.
Noong Pebrero 1, 1981, ilang araw bago ang pagdalaw ni Pope John Paul II sa Maynila, nagprotesta ang 6,000 magniniyog mula sa limang bayan ng Quezon. Bago pa man makapagtipon sa plasa ng bayan ng Guinayangan, pinaputukan ng mga awtomatikong riple ng mga sundalo ng Philippine Constabulary (PC) ang magbubukid. Dalawa ang naiulat na napatay at umaabot sa 1,000 ang nasugatan. Naulit ang marahas na pambubuwag noong Hulyo 14 sa taon ding iyon nang niratrat ng mga sundalo ang daan-daang magniniyog na nagpuprotesta sa Daet, Camarines Norte. Pito ang napatay at mahigit 20 ang nasugatan.
Sa kabila ng mararahas na tugon ng pasistang estado, nagpatuloy ang mga protesta sa buong bansa hanggang sa tuluyang isinuspinde ni Marcos Sr ang coco levy fund noong Setyembre 11, 1983. Mula noon, tuluy-tuloy ang pakikibaka ng mga magniniyog para mabawi nila ang bilyun-bilyong piso ninakaw sa kanila.
Ano ang Coco Levy Fund?
Ang Coco Levy Fund ay bungkos ng mga buwis sa ilalim ng diktadurang US-Marcos na piniga sa mga magniniyog na animo’y sapal ng niyog. Mula sa katas na ito, layong buuin umano ang isang pondo na “magpapaunlad sa kabuhayan” ng mga magniniyog at sa industriya ng niyugan sa bansa.
Ngunit kabaligtaran ang nangyari. Kinulimbat at pinakinabangan ng mga Marcos at mga kroni nito ang nakulektang buwis. Ilan sa mga nagpasasa dito ay sina Juan Ponce Enrile (noon ay Ministro sa Depensa at ngayon ay Legal Adviser ni Marcos Jr), Eduardo “Danding” Cojuangco at Maria Clara Lobregat, malaking panginoong maylupa at negosyante sa niyugan sa Zamboanga.
Sinimulan ang pagkulekta ng buwis noong Hunyo 17, 1971 sa tantos na ₱0.55 kada 100 kilo ng kopra (katumbas ng ₱38.45 noong 2020). Ang pondo ay pinangasiwaan ng Philippine Coconut Federation, Inc., ang pinakamalaking organisasyon ng mga negosyante sa niyugan.
Noong panahon ng batas militar, sunud-sunod na panloloko ang ginawa ng diktadura sa mga magniniyog. Nagpalabas si Marcos Sr noong Hunyo 30, 1973 ng PD 232 na nagbuo sa Philippine Coconut Authority (Philcoa) at iniluklok dito si Enrile bilang presidente. Noong Agosto 1973 binuo ang Coconut Consumers’ Stabilization Fund (CCSF) at dagdag na ₱15 kada 100 kilo ng kopra ang siningil sa mga magniniyog. Ang sinasabing pondo ng mga magniniyog ay ipinampuhunan sa mga pribadong kumpanya. Umabot sa ₱100 milyon kada buwan ang napunta sa mga kumprador, eksporter at iba pang malalaking negosyante sa niyugan. Noong Nobyembre 14 ng taong ding iyon, binuo ang Coconut Industry Development Fund at nangulekta ng karadagang ₱20 sa kada ₱100 kilo ng kopra.
Ginisa sa sariling mantika
Noong Hulyo 29, 1975 inilabas naman ang PD 755 para bilhin ng Philcoa ang 64.98% ng First United Bank gamit ang kuleksyon ng coco levy fund. Mula dito binuo ang United Coconut Planter’s Bank (UCPB) kung saan kinopo ni Cojuangco ang 7.2% at ni Marcos Sr ang 10% ng mga sapi. Ginawang presidente ng UCPB si Cojuangco. Noong 1978, binuo ang United Coconut Oil Mills at kinontrol ang 97% ng lahat ng molinohan sa industriya ng niyog.
Sa taya ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas, 42% ang nawala sa kita ng mga magniniyog mula 1979 hanggang 1982 dahil sa coco levy at monopolyo sa niyugan. Umabot sa ₱9.8 bilyon ang nahuthot dito ni Marcos Sr. Sa kabuuan, ₱150 bilyong coco levy fund ang dinambong ng kanyang mga kroni.
Napunta sa sari-saring kumpanya ng mga kroni ni Marcos Sr ang aabot sa 81% ng nakolektang coco levy. Kabilang dito ang pondong ipinambili ni Cojuangco ng mga sapi sa UCPB, San Miguel Corporation at 14 ibang kumpanya sa niyugan (namatay siya na hindi man lamang naibalik ang kanyang dinambong). Samantala, ginamit ni Enrile ang coco levy sa pagbili ng mga kumpanyang Primex Coco, Pacific Royal, Clear Mineral at iba pa.