Labanan ang pinaiigting na gera ni Marcos sa gitna ng krisis

,
Ang artikulong ito ay may salin sa EnglishBisayaHiligaynon

Mag-iba man ng hitsura at asta, walang pagbabago sa esensya ang rehimeng US-Marcos sa nagdaang rehimeng US-Duterte pagdating sa mga pundamental na usapin sa ekonomya, pulitika at lipunan. Tulad ng nagdaang tirano, kinakatawan ni Marcos ang interes ng dayuhang mga imperyalista at ng lokal na mga naghaharing uri. Sa harap ng tumitinding krisis, pagpapaigting ng gera ang sagot ni Marcos sa sambayanan.

Itinataguyod at ipinagpapatuloy ni Marcos ang mga patakaran at batas na anti-manggagawa at anti-magsasaka at nagpapahirap sa karaniwang mga Pilipino. Nananaig pa rin ang kaisipang militarista at ipinagpapatuloy ang mga hakbanging mapaniil at brutal na pasista-teroristang gera laban sa mamamayang nagtatanggol at lumalaban.

Idineklara kamakailan ng mga upisyal sa militar at seguridad na itutulak nila ang gasgas nang palabas na “lokalisadong usapang pangkapayapaan” na pantabing lamang sa malawakang gera ng panunupil at pasipikasyon sa masa para isuko nila ang kanilang pagtatanggol sa lupa at pakikibaka para sa mga repormang agraryo. Karugtong ito ng tinaguriang “peace economy” na pakana para sa malalaking dayuhang korporasyong multinasyunal na malawakang sakupin ang natitirang lupain para sa operasyon sa pagmimina at mga plantasyon. Nasa halos 300,000 libong ektaryang lupa sa Mindanao ang balak na sakupin ng mga kumpanyang Amerikano. Gayon, ang “lokalisadong usapang pangkapayaan” ay magpapalala, hindi lulutas, sa pinakamalaking problema ng kawalang lupa at pang-aapi sa masang magsasaka na dahilan ng malawak na paghihirap at kagutuman sa kanayunan.

Upang makamit ang “kapayapaan” para sa mga dayuhang korporasyong multinasyunal, lalo pang paiigtingin ng reaksyunaryong militar at pulis ang paniniktik at paninindak sa masa, gerang saywar at malalaking operasyong pangkombat. Malaking perwisyo sa masa ang ginagawang pagkukural sa mga baryo, paghihigpit sa galaw ng mga tao, pagboblokeyo ng pagkain at iba pang pang-aapi sa masa ng naghahari-hariang mga pasistang sundalo. Malawakang pananakot at pagsasapeligro sa buhay ng masa ang isinasagawang paghuhulog ng bomba, pag-iistraping at panganganyon ng AFP kaakibat ng malalaking operasyong militar.

Ang pakanang ito ng National Task Force (NTF)-Elcac ay palabigasan din ng mga upisyal militar na milyun-milyong piso ang ibinubulsa sa mga kikbak sa pondong pang-“surender” at pakikisosyo sa mga kontrata sa pagpapasemento ng mga kalsada (mga diumano’y “farm-to-market road”) at pagtatayo ng kung anu-anong imprastruktura.

Nagbubulag-bulagan si Marcos sa panlipuan at pang-ekonomyang mga ugat ng rebolusyonaryong armadong paglaban ng mamamayan, laluna ang pangunahing usapin ng reporma sa lupa. Upang bigyan-matwid ang pagtangging muling buhayin ang pakikipag-usapang pangkapayapaan sa pambansang pamunuan ng rebolusyonaryong kilusan, itinatanggi ng rehimen na ang armadong pakikibakang patuloy na sumusulong sa buong kapuluan ay nakaugat sa mga problemang sumasaklaw sa buong bansa.

Lalong lalala ang pagdurusa ng sambayanan sa pagnanais ni Marcos na patuloy na sundin ang daang neoliberal na ilang dekada nang nagsadlak sa bansa sa sunud-sunod na krisis. Itong mga patakarang dikta ng International Monetary Fund at World Bank (IMF-WB) ang lumumpo sa ekonomya ng Pilipinas, kaya hindi na makatayo sa sariling paa, at lubos nang nakasalalay sa dayuhang pamumuhunan at pautang at sa pag-aangkat ng pagkain at iba pang pangangailangan ng mamamayan.

Sa nagdaang mga taon, lalong bumibilis ang pagsadsad ng ekonomya at kabuhayan ng mamamayan. Nakalutang ito sa utang at nakakapit sa salbabidang remitans ng dolyar. Tuluy-tuloy ang pagliit ng halaga ng piso kontra sa dolyar, at ang halaga ng salaping kinikita ng mamamayan. Nababangkarote ang estado dahil sa pagkaltas ng buwis para mang-akit ng mga dayuhang kapitalista, papalalang korapsyon sa labis na magarbong imprastruktura, at sobrang laking badyet sa militar at pulis.

Kaliwa’t kanang buwis ang balak ipataw sa mamamayan upang maipambayad-utang at para muling makapangutang. Patuloy na ipapako ang mababang sahod ng mga manggagawa sa kagustuhan ng malalaking kapitalista. Laksa-laksang magsasaka ang palalayasin sa mga lupang target na ilaan para sa mga dayuhang kumpanya. Libu-libong kawani ng gubyerno ang planong sipain para “makatipid” habang nangangabundat ang mga burukrata sa malaking sweldo at kikbak sa gubyerno. Milyun-milyon ang walang hanapbuhay, at saanman lumingon, ang masang anakpawis ay pinahihirapan ng sumisirit na presyo ng pagkain, mga produktong petrolyo, at pinagkakaitan ng kanilang kabuhayan.

Nagtetengang kawali ang rehimeng Marcos sa hinaing ng mamamayan. Binubusalan sila’t nilulunod ang kanilang sigaw. Ipinagkakait sa kanila ang karapatang magtipon sa lansangan gamit ang paninindak at panunupil upang pigilang bumwelo ang militanteng protesta ng mamamayan. Takot na takot si Marcos na sumiklab ang mga welga at pag-aalsa sa gitna ng matinding krisis. Ginagawa ni Marcos at ng kanyang militar at pulis ang lahat ng pasistang panggigipit upang pigilang bumwelo at sumulong ang paglaban ng bayan.

Sa harap ng namimintog na pagsambulat ng krisis sa Pilipinas, at pagbibingi-bingihan ng rehimeng Marcos sa mga hinaing ng taumbayan, walang ibang dapat gawin ang sambayanang Pilipino kundi ang ibayong paigtingin ang lahat ng anyo ng paglaban. Dapat pagbuklurin ang iba’t ibang sektor para ipaglaban ang kagyat nilang mga kahingian para sa karagdagang sahod, pagpapababa ng presyo, libreng edukasyon at serbisyong pangkalusugan at iba pa. Dapat nilang organisahin ang papalaking mga militanteng kilos protesta mula sa pabrika, komunidad at unibersidad patungo sa mga plasa at lansangan.

Sa kanayunan, walang ibang magagawa ang masang magsasaka kundi ang magbuklod at isulong ang iba’t ibang anyo ng pakikibaka para sa lupa at ipagtanggol ang kanilang mga karapatan laban sa pasistang panunupil. Dapat nilang puspusang labanan ang lumalalang mga anyo ng pagsasamantala na kumakamkam sa yamang nilinang ng kanilang pawis at dugo, at tutulan ang mga kumpanyang nang-aagaw ng lupa at nandarambong at sumisira sa kapaligiran.

Katulad ng ipinakita sa panahon ng diktadurang Marcos I, ang rebolusyonaryong armadong pakikibaka ang pinaka-epektibong paraan ng pagtatanggol sa interes ng masa at paglaban sa gera ng pagsupil sa bayan. Dapat ibayong paramihin ang bilang ng mga Pulang mandirigma sa buong bansa, palawakin at paramihin ang mga larangang gerilya at malaganap at masinsing ilunsad ang mga taktikal na opensiba.

Labanan ang pinaiigting na gera ni Marcos sa gitna ng krisis