Mga hamon sa pagiging lesbyanang Pulang mandirigma

,
Ang artikulong ito ay may salin sa EnglishChineseBisaya

Nang tanungin ano ang pinakamaganda niyang karanasan sa Bagong Hukbong Bayan (BHB), napapangiting ibinahagi ni Ka Nica ang minsang pakikipagsayaw niya sa isang babae sa harap ng mga kasama at masang magsasaka. Malaking bagay iyon, aniya, dahil unang beses niyang naramdamang nakalitaw siya hindi lamang bilang Pulang mandirigma, kundi bilang isang lesbyana sa hukbong bayan at rebolusyonaryong kilusan.

“Kagawian sa lugar na pagkatapos ng gawaing masa, magtitipon ang masa at mga Pulang mandirigma sa isang programang pangkultura. Tampok sa ganitong pagtitipon ang sayaw sa pagliligawan. Syempre, sa tradisyon, sayaw ito sa pagitan ng lalaki at babae. Halos mahulog ako sa upuan nang tawagin ako sa entablado. Habang kimi akong lumapit, ipinagmalaki ng kasamang emsi na isa akong ‘babae na may pusong lalaki.’ Kaya naman, tinawag rin sa entablado ang isang babaeng magsasaka para makipagsayaw sa akin! Ang saya ko!”

Bago noon, hindi masyadong kumportable si Ka Nica na maging “out” (o lantad) na lesbyana sa BHB, kahit halata naman sa kanyang gupit at asta. “Hindi naman talaga ako kloseta (o naglilihim). Hindi lang talaga ako ang tipong magkukwento tungkol sa aking kasarian sa bawat usapan. Pero noong hapong iyon, sa harap ng masang nakatipon at kapwa mga Pulang mandirigma, ang aliwalas ng pakiramdam ko sa paghahayag kung sino talaga ako.”

Sa pagharap sa mga bias o negatibong pananaw sa mga lesbyan bago at mula sumapi sa BHB, kinlaro ni Ka Nica na habang mayroon pang mga bias sa loob ng hukbong bayan, malayo ito sa nakatotromang karanasan sa lipunang burgis.

Kahit pa umano nagbibigay ng mababaw na pagtanggap sa LGBT ang mga kapitalistang bansa tulad ng pagkakasal ng magkaparehong kasarian, ang burgis na lipunan, sa esensya ay homophobic (may poot sa mga bakla) at batbat ng lahat ng porma ng pagkamuhi. “Maaaring may mga konsesyon sila sa usapin ng kasal, pero patuloy na binibiktima… ang mga LGBTQ sa lugar ng trabaho at mahihirap na komunidad, o sa laganap na “hate crime” (krimen ng pagkamuhi) at brutalidad ng pulis. Kabulastugan na itaguyod ang isa sa aming batayang karapatan, pero labas niyon ay aapihin at sisindakin.

Hindi lamang ang pagkakasal ng parehong kasarian sa Partido Komunista ng Pilipinas ang pagkakaiba ng pambansa-demokratikng rebolusyon sa burgis na lipunan, ayon kay Ka Nica, kundi dahil sa tunay na pagsisikap ng Partido at ng kilusan na itaguyod at isapraktika ang prinsipyo ng paggalang sa pagkakakilanlan sa kasarian at oryentasyong sekswal. “Ang talagang pagkakaiba ay ang katotohanang mayroong nagpapatuloy na pagbaka sa loob ng pakikibaka, isang rebolusyong pangkultura, laban sa lahat ng porma ng negatibong pananaw at inhustisya, lagpas pa sa usaping kasarian,” paliwanag niya.

Nasasaksihan umano ni Ka Nica ang mga tagumpay na ito sa mga paraang munti pero nakagugulat, sa arawang aktibidad at paggagawaing masa ng BHB. “Kapag kinikilala ng mga kasama ang mga bakla at lesbyana na nakapamumutok sa panahon ng mga aksyong militar, laluna kapag nasorpresa sa mga depensiba. O kapag nagbibigay ng mga pag-aaral at nakapagpapaliwanag nang mahusay. Kahit sa simpleng pagkilala sa pagiging isang Pulang mandirigma na nakapangibabaw sa mga sakripisyo sa harap ng pasistang kontra-rebolusyon ni Duterte. Yun ang mga panahong nakikita ka nila—isang rebolusyonaryo, labas sa iyong sekswal na oryentasyon. Sa pagpupunyaging maging isang mabuting kasama sa paggampan sa mga gawain, mas lalo akong nagiging litaw na nagtataguyod sa pakikibakang LGBTQ.”

Kapag lumilitaw ang mga hibo ng negatibong pananaw, mahinahon lang si Ka Nika… “Pagkakataon ito para makapagpaliwanag… Hindi nila kasalanang nilunod sila sa mali at dekahong pananaw ng midya. Mahirap at makararamdam ka ng ‘pagod sa pagiging iba’, pero ganyan naman talaga ang rebolusyon sa kultura, ’di ba?”

Ibinahagi rin ni Ka Nica ang madalas na maling pananaw na isang yugto lang ang pagiging lesbyanang tomboy (butch) tulad niya. “O na hindi ko pa lang nakikilala ang lalaking para sa akin, at magbabago pa ako. Matiyaga kong ipinaliliwanag na itinuturo ng Marxismo na ang pagbabago ay itinatakda ng mga batas na internal. Naniniwala ako na ang oryentasyong kasarian ay internal na prinsipyo at pananaw ng bawat tao, na ang mga panlabas na kundisyon, tulad ng “tamang lalaki,” ay hindi lubos na makapagbabago sa “pagkagusto ng isa sa iba.”

Halos tatlong taon nang kasal sa isa ring babaeng Pulang mandirigma si Ka Nica, pero ikinatutuwa pa rin niyang alalahanin ang sandaling iyon ng sayaw ng panliligaw. “Kinikilig pa rin ako,” natatawa niyang sabi. Sa pagkakataong iyon at maraming iba pang tulad noon, ipinagmamalaki niyang lesbyana siya sa BHB at rebolusyonaryong kilusan.

Mga hamon sa pagiging lesbyanang Pulang mandirigma