Pandaigdigang krisis sa pagkain, pinalala ng mga sangsyon ng US sa Russia

,
Ang artikulong ito ay may salin sa EnglishBisaya

Bago pa man sumiklab ang gera sa Ukraine, namimintog na ang isang krisis sa pagkain sa mundo dulot ng problema sa kalakalan sa panahon ng pandemya, masasamang epekto ng climate change at pagsirit ng presyo ng langis at natural gas. Ang pandaigdigang krisis na ito ay lalong pinalubha at itinulak sa bingit ng mga sangsyon ng US na makaisang panig na ipinataw sa Russia.

Ang mga sangsyon ay mga patakaran o hakbanging panggigipit sa kalakalan at pamumuhunan ng isang bansa. Umaabot ngayon sa 11,000 indibidwal na mga sangsyon ang ipinataw ng US sa Russia. Tinarget ng mga ito ang galaw ng perang ruble at kalakalan, mga bangko at kumpanyang Russian, produksyon at pag-eksport ng langis at natural gas, malalawak na mga sakahan, operasyon ng mga barko, eroplano at trak, sektor ng teknolohiya at maging ang midya ng bansa. Itinuturing ng Russia ang mga ito bilang direktang atake at deklarasyon ng gera ng US laban sa mamamayang Russian.

Kahit di direktang pinatawan ng mga sangsyon ang mga produktong pang-agrikultura at pag-eksport ng mga ito, apektado ang mga ito ng “domino effect” (o epekto sa ibang larangan ng kalakalan) ng mga sangsyon. Hindi malayang makapag-eksport ang Russia kahit sa mga bansang hindi sumuporta sa mga sangsyon.


Mayor na eksporter sa agrikultura

Ang Russia ang isa sa pinakamalaking eksporter ng produktong pagkain. Halos sanlima o 18% ng pandaigdigang suplay ng trigo (panggawa ng harina) ay inieksport nito, tatlong beses na mas malaki sa inieksport ng Ukraine. Ayon sa United Nations, 36 bansa ang nag-iimport ng mahigit 50% ng kanilang trigo mula sa Russia at Ukraine.

Higit dito, mahigit 20% ng pandaigdigang suplay ng krusyal na mga sangkap ng pataba ay nagmumula sa Russia (15.4%) at Belarus (5%), na pinatawan din ng mga sangsyon ng US. Ang Russia ang nagsusuplay nang hanggang 40% ng potash at iba pang patabang nakabase sa nitrogen. Tumataas na ang presyo ng mga ito bago pa ang gera sa Ukraine dulot ng pagsirit ng presyo ng langis. Lalo pa itong sumirit dulot ng mga sangsyon ng US laban sa dalawang bansa.

Ang paghigpit ng suplay at kalakalan ng pataba ay itinuturing ng marami bilang “pinakamalaking banta sa sistema ng pagkain.” Ito ay dahil apektado nito ang lahat ng mga magsasaka. Magreresulta ito sa pagbagsak ng produksyon ng lahat ng tanim na pagkain, hindi lamang ng trigo. Ibabangkarote rin nito ang maraming magsasaka, laluna sa atrasadong mga bansa, dulot ng nagtataasang presyo ng natitirang pataba sa pamilihan.


Paglala ng kasalatan at pagtaas 
ng presyo ng pagkain

Ngayon pa lamang, naghihigpit na ang mga mayor na eksporter ng pagkain para tiyakin ang kani-kanilang lokal na suplay. Noong Mayo, huminto nang magluwas ng trigo at asukal ang India. Noong Abril, nag-anunsyo na ang Indonesia na hindi muna ito mag-eeksport ng palm oil. Pinabagal kahit ng Russia ang eksport nito ng pagkain sa mga karatig-bansa para pangalagaan ang lokal na suplay.

Higit na mararamdaman ang epekto ng mga sangsyon sa susunod na mga anihan. Maraming magsasaka ang magbabawas ng produksyon habang bumababa ang suplay at tumataas ang presyo ng mga pataba. Sa Pilipinas, dumoble ang presyo ng abono mula ₱1,436.21 kada sako noong 2021 tungong ₱2,943.63 kada sako ngayong taon. Dahil dito, lalupang makukuba ang mga magsasaka sa dati nang mataas na gastos sa produksyon. Nangamba kahit ang malalaking komersyal na sakahan na hindi nila maabot ang target na produksyon dahil nakaasa ang kanilang ani sa paggamit ng pataba.

Hindi ligtas kahit ang mamamayan sa mga industriyalisadong bansa dulot ng pagsirit ng presyo ng langis at pagkain. Nahaharap sila sa tumataas na gastos sa pamumuhay habang di nakaaagapay ang mga sahod sa pagsirit ng mga presyo ng batayang bilihin. Tinatayang aabot sa 20% ang implasyon sa pagkain sa susunod na taon sa United Kingdom. Pumalo naman sa mga “makasaysayang pagtaas” ang implasyon sa pagkain sa US (10.4%), France (6.4%), Japan (4.7%) at Germany (12.7%).

Pandaigdigang krisis sa pagkain, pinalala ng mga sangsyon ng US sa Russia