49thIB, Nagkukumahog maka-quota ng mga Pekeng Engkwentro upang hindi Mabuwag ang NTF-ELCAC/RTF-ELCAC

Pagdating sa paglulubid ng kasinungalingan, hinding hindi matutumbasan ang kadalubhasaan dito ng mga sundalo ni Duterte, isa na diyan ang 49th IB Philippine Army (49thIBPA) na may punong hedkwarter sa Barangay Tastas, Ligao City, Albay. Ang yunit na ito ang patuloy na naghahasik ng takot sa komunidad at berdugo ng mamamayang Albayano.

Kinukundena ng Santos Binamera Command – NPA Albay (SBC – NPA Albay) , ang ginawang paghahasik ng teror ng 49th IB sa komunidad ng Barangay Oma-oma.

Kahapon, Mayo 3 ng taong kasalukuyan, gumawa ng sarswela ang 49th IB. Nagkaroon diumano ng pagkubkob sa mga kasapi ng New Peoples Army (NPA) ganap na 5:30 hanggang 6:00 ng umaga sa Sityo Caropag, Barangay Oma-oma, Ligao City ang kanilang tropa. Ayon sa mga nakasaksi, ilang minutong nagpaputok sa iba’t ibang direksyon ganundin sa ere ang mga artistang sundalo upang ipadinig sa buong barangay at mga karatig baryo ang nilubid na kasinungalingan ng pagkubkob. Dahil sa nangyari, maraming taumbaryo ang hindi nakapunta sa kanilang mga sakahan na dapat sana’y magtatanim at tyempong katatapos lamang umulan. Naglagay din ng mga checkpoint sa mga karatig na barangay at bawat dumaang mga sasakyan ay hinahalughog.

Sa pinalabas na sarswela, wala pakialam ang 49th IB kung ano ang magiging epekto nito sa mga nakatira sa komunidad. Sila man ay hindi makapagtanim o di kaya’y magkaroon ng matinding trauma dahil sa pekeng labanan. Ang importante sa 49thIB ay magkapaghasik ng takot sa mamamayang Albayano.

Matatandaang nahaharap sa malaking disgusto ng mamamayan at malakas ang panawagan na buwagin na ang NTF-ELCAC/RTF-ELCAC dahil ang mismong tagapagpatupad nito na si Antonio Parlade ay tagapagkalat ng mga disimpormasyon at malalang red tagging at ang pondo nito ay malinaw na nagagamit lamang sa korupsyon sa hanay ng mga militar at mga heneral nito. Kaya ganun na lamang kadesperado ang 49th IB na gumawa ng mga katulad na pekeng engkwentro upang isalba ang nanganganib na pagbuwag sa NTF-ELCAC/RTF-ELCAC.

Kailangan nilang palabasin na marami silang nakakaengkwentrong NPA upang hindi matigil ang pagpopondo sa RTF-ELCAC. Samantalang sa kanila din mismo nanggagaling na halos naubos na ang NPA. Sa ganitong magkasalungat na sinasabi, alin kaya ang totoo?

Walang naiambag na tulong sa mamamayang Albayano ang inilaang pondo sa NTF-ELCAC/RTF-ELCAC bagkus, ang nangyari, pagtuntong pa lamang ng 49th IB sa Albay, unang ipinagmalaki nila ang pagpatay sa kapitan at barangay treasurer nito ng Barangay Batbat, Guinobatan, Albay. Hinuli nila ang isang nagngangalang Reynaldo Ogama, 72 ng parehong barangay at pinalabas na sumurender upang kopoin ang kaakibat na makukuhang diumano’y tulong pinansyal upang may pagsimulan sa kabuhayan ang nabanggit na sibilyan. Sa maraming kaso na kanilang pinasurender, bawat isa sa mga ito ay hindi nakatanggap ng sinasabi nilang halaga na nakalaan batay sa isinasaad sa E-CLIP. Karamihan sa mga ito ay nakatanggap lamang ng aabot sa P2,000 hanggang P5,000 lamang. Malinaw na korupsyon ang tawag dito.

Malayong malayo sa hinahangad ng mamamayang Albayano na kahit simpleng karapatan sa buhay at kabuhayan ang layunin ng NTF-ELCAC/RTF-ELCAC. Ang NTF-ELCAC/RTF-ELCAC ay pangil ng rehimeng US-Duterte kasapakat ang AFP-PNP-CAFGU upang sikilin ang karapatan ng mamamayan na malayang makakilos ayon sa kanilang kagustuhan, makapaghapag ng hinaing kapag ang kanilang karapatan ay niyuyurakan.

Pero sa kabilang banda, ang NTF-ELCAC/RTF-ELCAC ay apoy na nagpapaliyab ng damdaming lumaban ng mamamayan. Kaya panawagan ng Santos Binamera Command – NPA Albay (SBC – NPA Albay) sa mamayang Albayano, huwag magpasindak sa teror na hatid ng 49thIB, kapag kumilos ang daang libong Albayano, makikita ninyong bahag ang kanilang buntot at magtatago sa saya ng kanilang among si Duterte.

Mamamayang Albayano, Magkaisa at Labanan ang paghahasik ng teror ng 49thIB!

NTF-ELCAC/RTF-ELCAC, Buwagin!

49thIB, Nagkukumahog maka-quota ng mga Pekeng Engkwentro upang hindi Mabuwag ang NTF-ELCAC/RTF-ELCAC