Isinasapanganib ng pagsasanay na Balance Piston 22-3 ang buhay ng mga Palaweño
Kinukundena ng Bienvenido Vallever Command-NPA Palawan ang kasalukuyang inilulunsad na pagsasanay-militar sa pagitan ng tropang US at Pilipinas sa ilalim ng Balance Piston 22-3 Exercise sa Honda Bay, Puerto Princesa City at sa Punta Baja, bayan ng Rizal sa Palawan. Sinimulan ang nasabing pagsasanay noong Agosto 16 na tatagal ng isang buwan hanggang Setyembre 16. Ang Balance Piston Exercise ay isang regular na bilateral na pagsasanay-militar na inisponsor ng US sa pagitan ng mga elite na yunit ng AFP at USAF sa balangkas ng 1999 Visiting Forces Agreement (VFA).
Nagkukubli ang Balance Piston 22-3 sa pagpapaunlad diumano ng interoperability o suportahan ng dalawang pwersa sa paglulunsad ng mga operasyong militar, habang kasabay ang tusong pagpapa-igting ng US sa tensyon sa South China Sea laban sa China. Sadyang itinaon ang panahon at lugar na pinaglulunsaran ng pagsasanay sa gitna ng todo ang girian sa pagitan ng kapwa imperyalistang bansang US at China sa usapin sa Taiwan at pagkontrol ng una sa estratehikong ruta ng South China Sea sa kalakalang pandagat.
Tulad ng isang sunud-sunurang papet ng imperyalismong US, mainit itong sinalubong at ipinatutupad ng rehimeng Marcos-II, ng mersenaryong AFP at lokal na gubyerno ng Palawan. Wala ni katiting na pagsasaalang-alang sa maaaring implikasyon at epekto nito sa mamamayang Palaweño. Pagpasok pa lamang ng taon, sunud-sunod na mga pagsasanay-militar na ang inilunsad ng US kasabwat ang papet na rehimeng Marcos II at AFP—ang Marine Exercise (MAREX) 2022 noong Pebrero; ang Marine Aviation Support Activity (MASA) 22.1 noong Hunyo at ang Pacific Partnership 2022 nitong unang hati ng Agosto. Matatandaang nauna nang nagpahayag ng kanilang pagkabahala at reklamo ang mga Palaweño sa perwisyong dulot ng mga kahalintulad na pagsasanay. Takot at pangamba ang idinulot ng paulit-ulit na pagpapalipad ng mga helikopter at iba pang mga sasakyang panghimpapawid sa panahon ng paglulunsad ng MAREX 2022 na animo’y mayroong gerang nagaganap.
Para ipatanggap sa publiko ang inilulunsad na mga pagsasanay militar na ito, binuhusan ng pondo ng gubyernong US ang iba’t ibang proyektong ginagawa namang palabigasan at pampabango ng Western Command at lokal na gubyerno ng lalawigan. Ikinukubli ng US at ng gubyerno sa iba’t ibang proyektong diumano’y “para sa mamamayan” ang ginagawa nitong ekstensyon ng kanyang base militar sa Pilipinas at ang militarisasyon ng West Philippine Sea sa paulit-ulit na pagrerekurida ng USS Carl Vinson sa saklaw ng territorial waters ng bansa sa sa bahaging ito. Kabilang sa mga mapanlinlang na programang ito na layong makuha ang loob ng mga mamamayang Palaweño ang paglulunsad ng mga medical mission, pamimigay ng mga kagamitan para sa disaster relief at iba pang mga community services. Sinamantala ng tropang Amerikano ang kahirapan ng mamamayan dito at ang kawalang-kakayahan ng rehimen na bigyan ng libreng serbisyo ang mga maralita.
Lingid sa kamalayan ng mamamayang Pilipino, itinatago ng US ang panghihimasok-militar sa bansa sa tabing ng mga pagsasanay militar sa ilalim ng kasunduan sa VFA sa pagitan ng US at Pilipinas. Isinasagawa ang military exercises na ito kasabay ng sustenidong mga focused military operations at retooled community support program para sugpuin ang pakikibaka ng mga Palaweño para sa kanilang mga karapatan, kabuhayan at kagalingan. Higit pa, layunin nitong durugin ang rebolusyonaryong kilusan sa isla upang bigyang-daan ang mga dayuhang interes ng US at lokal na pamahalaan. Kung gayon, lalo lamang itong magdudulot ng ibayong pahirap at pagyurak sa mga karapatan ng mamamayang Palaweño.
Hindi dapat tanggapin at pahintulutan ng mamamayang Palaweño na gawing battle ground ang lalawigan at gawin silang pambala sa kanyon tulad ng ginawa ng US sa mamamayan ng Ukraine na naiipit sa digmang proxy ng US-NATO laban sa Russia. Dapat tutulan ng buong sambayanan hindi lamang ng mamamayang Palaweño ang mga kahalintulad na pagsasanay-militar at mga war games na inilulunsad ng US. Gagamitin ng US ang mga matututunan nitong kasanayan para supilin ang mga mamamayang nakikibaka laban sa imperyalismong US kabilang na ang mamamayang Pilipino. Dapat ring managot ang lokal na gubyerno ng probinsya sa pagbibigay-pahintulot at kawalang pagtutol sa nasabing mga aktibidad.
Makakaasa ang mamamayang Palaweño na hindi maglulubay ang BVC-NPA Palawan sa pagpupunyaging labanan at biguin ang gera kontra-mamamayan ng rehimeng Marcos II at imperyalistang US. Ipagtatanggol nito ang integridad ng bansa at karapatan, kabuhayan at kagalingan ng mamamayan sa lahat ng pagkakataon.###