Dalawang aktibista, pinaslang sa Brgy. Paulog, Ligao City

,

Mahigpit na kinukundena ng Santos Binamera Command Bagong Hukbong Bayan – Albay (SBC BHB – Albay) ang paspaslang ng Philippine National Police (PNP) sa dalawang aktibistang sina Jemar Palero, 22 taong gulang, may asawa at isang anak, residente ng Brgy. Catomag, at Marlon Naperi, 38 taong gulang, may asawa at limang anak, residente ng Brgy. Bololo, parehong sa bayan ng Guinobatan, Albay.

Nagsasagawa ng operasyong pinta (OP) sina Palero at Naperi kasama ang dalawa pang aktibista kagabi, Hulyo 25 sa pagitan ng 10:30 hanggang 11:00 ng gabi sa Brgy. Paulog, Ligao City nang biglang sumulpot sa lugar ang isang hilux na sasakyan at isang motor (sniper) lulan ang armadong kalalakihan at sinita ang mga aktibista. Dahil sa takot na mapag-initan, kagyat na nagsipagtakbuhan ang mga ito. Nakalayo ang dalawang kasamahan nina Palero at Naperi habang pinokusang habulin naman ang dalawang ito. Naisakay ng PNP sina Palero at Naperi pero idineklarang “nanlaban kaya napatay”. Sila ay mga aktibista, walang baril. Gasgas na ang inyong linyang iyan.

Para sa kabatiran ng PNP, kailan pa naging krimen ang magpinta ng iyong hinaing sa gubyerno? Mali ba kung may mali kang nakikita ay hindi mo isigaw? O di kaya ay ipinta? Laluna kung hindi ka naman pinapakinggan? Sa ginawa ninyo, dadala-dalahin ng inyong budhi (kung mayroon pa kayo..) ang inyong ginawa – alam ninyong hindi sila NANLABAN!

Ang rebolusyonaryong kilusan ay hindi magpapabaya sa ganitong pangyayari. Alam ninyong bawat paglabag ninyo sa karapatang tao, may itutumbas kaming HUSTISYA para dito.

Nananawagan ang SBC BHB – Albay sa mamamayang Albayano na huwag kayong matakot maglabas ng inyong hinaing laluna’t alam ninyong kayo’y nasa tama. Maging mapagbantay sa mga abusadong militar at kapulisan.

Nananawagan din kami sa mga kagawad ng midya na maging masusi ang inyong pananaliksik at mahusay na pag-aralan ang totoong mga sirkumstansya ng mga pangyayari kaugnay nito.

Dalawang aktibista, pinaslang sa Brgy. Paulog, Ligao City