Ika-100 araw na walang makatarungang aksyon mula sa administrasyong Duterte!
Bukas, Nobyembre 5, ika-100 araw ng pagkakapaslang kina Jaymar Palero at Marlon Naperi, dalawang aktibistang magsasaka ng Guinobatan na pinaslang ng mga elemento ng pulis noong July 25, 2021.
Hanggang ngayon, walang ni anumang makatarungang aksyon sa pagkakapaslang sa kanila. Ano pa nga ba ang dapat asahan? Wala naman talagang posibilidad na makamit ito sa ilalim ng gubyerno ni Duterte. Ang mga press release at statement upang imbestigahan ang kaso ng dalawang aktibistang pinaslang ay nagmistulang pang-apula ng apoy sa nagbabadyang galit ng mamamayang Albayano pagkatapos paslangin ng mga pulis ng Paulog ang Guinobatan 2.
Mula sa dikta ng Albay PPO na retokadong imbestigasyon ng mga pulis ng Guinobatan, muling naglunsad ng imbestigasyon ang NBI. Ang resulta, carbon copy lamang nang nauna nang ipinalabas ng pulis. Hindi ito malayong mangyari kung pagbabatayan ang mga kaparaanang pinagdaanan ng imbestigasyon. Hindi siyentipiko at makaisang panig ang mga prosesong dinaanan ng kanilang pagsusuri.
Iisa ang malinaw. Esktrahudisyal ang pagpaslang. Ang pagpipintura ay hindi kailanman kriminal na kaso. At kahit pa dumaan sa proseso ng paglilitis, hindi kailanman magiging hatol ang kamatayan. Sinundan nito ang nakahanda nang iskrip ng Philippine National Police (PNP) para sa mga pagpaslang. Batay sa kanilang modus operanding “nanlaban kaya napatay” kailangang ipihit ang lahat ng senaryo at ebidensya para mabigyang katwiran ang labis na karahasan ng pulis.
Pinamunuan ni PLt. Alfredo E. Bolaños Jr sina PSSg Rene M. Payonga, PCpl. Leonard S. Acebron, PCpl Maysan J. Buenafe, Pat Florentino B. Labasan Jr at Pat Darell D. Osabal sa pagpatay kina Palero at Naperi. Ang mga ito ay mga myembro ng 1st Albay Provincial Mobile Force Company na nakabase sa Brgy. Paulog, Ligao City.
Hinahamon ng SBC-Albay ang mga nabanggit na personahe na matapat na ilantad ang pangyayari bago pa man sila talikuran ng mga upisyal ng PNP tulad ng paglaglag ng Albay PPO at pagtanggal sa pwesto kay COP Guinobatan Major Joel Jarabejo. Hinihikayat ng SBC ang kanilang mga kapamilya na iudyok ang kanilang pagbitiw sa patakaran ng malawakang karahasan laban sa kapwa nila Albayano.
Hinihikayat ng SBC-Albay ang mamamayang Albayano at Bikolano na suportahan ang matapang na pagtindig ng pamilyang Naperi at Palero laban sa pang-aabuso ng estado. Makakaasa ang buong sambayanang Pilipino na hindi bibitiwan ng rebolusyonaryong kilusan ang pagpapanagot sa tiranikong rehimen US-Duterte sa mga krimen nito sa sangkatauhan.