Kasamang Celso “Ka Jose/Yok” Oabina
Nagpupugay ang Santos Binamera Command Bagong Hukbong Bayan – Albay (SBC BHB – Albay) sa pinakamataas na sakripisyong inialay ni Kasamang Celso Oabina o mas kilala bilang Kasamang Jose ng mga kasamang kanyang nakasalamuha.
Napatay si Ka Jose sa isang depensibang labanan nitong nakaraang Hulyo 15, 2021. Sinikap niyang sa kanya mapokus ang atensyon ng mga sumalakay na militar upang makalayo ang iba pang mga kasama.
Taong 2005 nang unang makontak ng mga kasama sa bahagi ng Pio Duran, Albay si Ka Jose. Mula doon, kagyat siyang naipaloob sa grupo ng mga magsasakang kanyang uring pinagmulan. Ilang panahong kumilos sa lokalidad hanggang magpasya siyang sumampa at kumilos ng buong panahon sa BHB. Kumilos siya sa bahagi ng Pio Duran nang isang taon bago siya mailipat ng lugar at walang pag-aatubiling tinanggap ang pagkilos sa bahaging Oas.
Sa ibang mga kasamang nakakakilala sa kanya bilang Kasamang Yok, siya ay puno ng kasiglahan sa mga gawaing kanyang ginagampanan. Laging bukas sa pakikipagtalakayan sa mga kasamang kanyang nakakasabay sa pagligo, pagluluto, pangangahoy at kahit kapag nakapakat sa postehan. Gaya ng ibang mga kasama, si Ka Jose/Yok ay may kahinaan din. Kapag namumrublema ay tahimik lamang pero kahit kailan ay hindi naging solusyon sa kanya ang pag-alis o AWOL sa yunit. Palatandaan ng kanyang mahusay na paggagap sa kanyang dahilan ng pagpultaym at pagkilala sa kanyang sinumpaang tungkulin sa Partido.
Mahilig siya sa larong dama, kabisadong kabisado nya paano magpaandar ng pyesa nito, yun nga lang minsan kapag natatalo ay nawawala ang higos (sigla) sa pang-araw araw na gawain pero ramdam niyang mali iyo kaya madaling makabawi.
Mahusay din sa gawaing S4 – wala siyang nakakatunggali pagdating sa pagbabadyet.
Siya ay responsableng asawa at ama, naulila niya ang kanyang 8 anak at asawa. Siya ay ipinanganak noong July 24, 1965, pumanaw siya sa edad na 56.
Ang kanyang kontribusyon sa pagpupundar ng malayang bukas ay hindi mawawalan ng saysay dahil mas maraming tatangan ng kanyang armas na nabitiwan. Dahil hangga’t may isang rehimen ni Duterte na namamayagpag, hindi matatapos ang sigaw ng mamamayang nagkakaisa’t lumalaban para sa lipunang malaya.