Mga magsasaka sa San Jose de Buan, pinipigilang mag-ani kung tumangging sumurender sa militar
Nasa 39 na pamilya ang pinipilit ng mga elemento ng 8th Infantry Division-Philippine Army na sumurender o hindi nila maaaring anihin ang libu-libong sako ng palay sa San Jose de Buan, Western Samar.
Sa ulat ng Bagong Hukbong Bayan-Western Samar (Arnulfo Ortiz Command), tuloy-tuloy ang kampanyang pagpapasurender ng 8th ID sa Barangay San Nicolas kung saan pinagbabawalan ng mga sundalo ang mga magsasaka na anihin ang katumbas ng 2,808 na sako ng palay na siyang tanging aanihin nila para ngayong taon. Kung hindi sila makakaani ngayon, wala silang istak na palay hanggang sa susunod na anihan. Sa gitna ng resesyon, matinding krisis sa ekonomiya at kakulangan ng hanapbuhay, nais ng 8th ID sa ilalim ni Maj. Gen. Pio Dinoso III na gipitin ang masa at piliing mamatay sa gutom kapalit ang pagsurender.
Bago nito, pinaslang ng 8th ID ang sariling aktibong intel na si Freddie Mabanan noong Agosto 19. Malisyosong ipinaratang sa BHB ang pamamaslang gayong nakilala ni Mabanan ang pumaslang sa kanya at nasabi sa kanyang asawa habang nag-aagaw buhay. Maging ang mga gaya ni Mabanan na ganap na sumurender at aktibong nakikipagtulungan sa berdugong militar ay walang makakamit na payapang pamumuhay sa ilalim ng di deklaradong batas militar ng rehimeng Duterte.
Labis ang takot ng mga residente sa mga sundalo na mahigit 60 pamilya ang napilitang lumikas mula sa nasabing barangay. Sa Sitio Salvacion, limang pamilya na lang ang hindi pa lumilikas.
Tuloy-tuloy ang operasyon at panggigipit sa masa ng 8th ID sa San Jose de Buan mula pa noong katapusan ng Mayo. Kinanyon na rin nila nang 88 beses ang mga sakahan sa nasabing bayan.##