SAF, Binigwasan ng NPA-Zambales!
Ika-11 ng Hunyo, 9:45 ng umaga hanggang 11 ng tanghali; Pangolingan, Palauig, Zambales.
Hindi bababa sa limang Special Action Force Commando ang patay at maraming sugatan sa pananambang ng yunit ng NPA-Zambales. Walang kaswalti sa panig ng mga pulang mandirigma.
Isinubo sa kamatayan ng kanilang Commanding Officer ang tropa ng SAF na tigas ulong nagpilit na pasukin ang pwesto ng NPA. Dalawa agad ang bumulagta sa bungad pa lang. Pero tila wala sa huwisyo na sumugod ang mga pasista sa kabila ng gipit at dehadong pwesto nila kumpara sa bentaheng pusisyon ng magigiting na NPA na nakaabang na sa kanilang pagdating.
Ipinagbunyi ng masang Ayta, magsasakang nag-iistik, magkakahoy, magyayantok, mga hanter, mga nangangalap ng ikabubuhay sa kabundukan ng Masinloc at Palauig ang pagbigwas ng NPA sa SAF.
‘Pati sana army! Namumuro na ang mga yan sa pang-aabuso sa amin.” May kasabay pang suntok sa hangin na sambit ni Ka Pilo. Isa si ka Pilo sa nakaranas ng pananakit at pambabastos ng militar nang minsang maabutan siyang nangunguryente sa ilog.
Halos diretsong dalawang linggo nang hindi makapaghanapbuhay ang masa dahil sa tuloy-tuloy na operasyong kombat ng magkasanib na pwersa ng SAF at 3rd Mechanized Infantry Battalion simula pa Mayo 29. Ilang araw na rin silang binubulabog ng pinapalipad na drone at spotter plane ng militar. Kasabwat ng berdugong militar sa paggalugad sa kabundukan ang ilang kawani ng DENR na armado din. Pinaghuhuli nila ang maliliit na magkakahoy, kinumpiska ang maliliit na chainsaw, pati mga kalabaw at pinagmumulta.
Kalakhan ng mga bukirin at lupaing produktibong tamnan sa Palauig, Masinloc, Candelaria at Sta Cruz ay wasak na dahil sa mapaminsalang pagmimina sa nakaraang mga taon. Ang ibang bahagi ay sinaklaw ng National Greening Program na bawal na ring pasukin ng magsasaka. Bawal ang pag-uuma sa bundok, pamumutol ng buho, kahoy, pati pangangalap ng orkids.
Kaya marami sa masang magsasaka at manggagawang bukid ay nangingisda – – nagtatrabaho sa lantsa, naninisid ng isda, o nakikipagpartehan sa maliliit na bangkang pangisda. Pero problema rin ang mapanupil at makadayuhang Fisheries Code of the Philippines. Nagpalubha pa sa problema ang pagkitid ng pook-pangisdaan dahil sa pagsuko ng rehimeng US-Duterte sa Panatag Shoal sa imperyalistang Tsina. Pamalagian din silang biktima ng panunupil at pagsasamantala ng mga Bantay Dagat, mga panginoong-may lantsa at mga nagmamay-ari ng malalaking payaw. Kaya para mabuhay, obligado pa rin silang mangalap ng kabuhayan sa kabundukan.
Pero mapa-bukid, dagat o kabundukan ay may nagsasamantala, nang-aangkin nanggigipit at nanunupil. Army, PNP, SAF, Bantay-Gubat, Coast Guard, Bantay-Dagat, CAFGU, CAA – – pawang mga bayaran at utusan ng uring panginoong maylupa at ng malupit na estado. May NPA o wala sa lugar, tuloy-tuloy ang operasyong kombat ng militar at kapulisan na nakatuon sa mismong mamamayang nakikibaka para sa kanilang karapatan sa lupa, kabuhayan at kalayaang sibil. Batid ng rehimeng US-Duterte na ang pinakamapanganib niyang kalaban ay ang mamamayang tumatahak sa landas ng pambansa demokratikong paglaban. Kaya sa harap ng pandaigdigang krisis sa ekonomya, ng mabilis na pagbulusok ng ekonomya ng bansa at COVID-19, lalo pang pinasidhi ng berdugong pangulo ang atake sa mamamayan bilang tanging paraan para makapanatili sa estado poder.
Ang SAF ang kinakategoryang elite forces at modelong kapulisan na sabak sa kombat at mga pang photo-ops na paghahatid-serbisyo ng gubyerno. Habang ipinapakita ng bayarang masmidya ang “kagitingan nito sa pagkakawang-gawa” sa panahon ng pandemic COVID-19, higit na kilala ng masa ang kalupitan nito sa likod ng kamera. Ang SAF ang mukha ng pinatinding pasismo ng rehimeng US-Duterte.
Ang Bagong Hukbong Bayan lamang sa tuwirang pamamatnugot ng Partido Komunista ng Pilipinas ang sandatahang lakas ng masa, ang tunay na kakampi at naglilingkod sa interes ng sambayanang Pilipino. Kaya naman buong puso rin silang minamahal at iniingatan ng masa. Ang matagumpay na aksyong militar ng BHB ay naisakatuparan dahil sa masigasig na suporta ng masa.
Ang bigwas ng NPA sa SAF ay paggawad ng katarungan para sa lahat ng biktima ng pang-aabuso, panunupil at pang-aapi! Ang tagumpay na ito ay tagumpay ng mamamayang lumalaban.
Mabuhay ang Bagong Hukbong Bayan! Mabuhay ang masang lumalaban!