SONA 2021 ni Duterte, dagdag na kahambugan sa Bayan at Mamamayang Albayano

Ngayong darating na Lunes, ika-26 ng Hulyo, huling State of The Nation Address (SONA) ng rehimeng US-Duterte. Huling pagkakataon sa paulit-ulit na “sana” ay PARA SA BAYAN ang huling ulat ni Duterte. Subalit ano nga ba ang pwedeng asahan ng mamamayan? Karamihan ay inaasahan na ang mga papuri para sa mga hambog at berdugong militar, mga palpak na ekonomista, pagyayabang ng kanilang naging pagharap sa pandemya at sa malamang ang bibitbitin niyang pulitiko para sa nalalapit na eleksyon. Asahan na din ang magiging paghahambog ni Duterte kaugnay ng kanyang mga pinaslang sa kanyang gera-kontra-droga at pagpapatampok ng kanyang paglaban sa rebolusyonaryong kilusan at iba pang pwersang lumalaban sa kanya. Malaki din ang posibilidad na muling ipasok ang usapin ng chacha, naglalaway na ang mga burukrata kapitalistang nangungunyapit sa kanilang mga poder at dinastiya.

Sa probinsya ng Albay, narito ang ilang tampok na pangyayaring dapat na malaman ng mamamayang Albayano.

Militarisasyon

Noong nakaraang Hunyo 2020, muling kinuha sa Mindanao ang 49thIB PA upang muling ipakat sa Bikol, partikular sa Albay. Ibinunsod ito ng kanilang planong durugin ang rebolusyonaryong kilusan sa paulit-ulit na pagtatangka hanggang noong huli ay tapusin diumano ang CPP-NPA-NDFP ngayong 2022.

Hindi pa man nagtatagal ang kriminal na batalyon sa probinsya, nagpasikat na ito sa kanilang among si Duterte sa anyo ng maramihang paglabag sa karapatang tao – tampok dito ang kanilang pagpatay kina Brgy Batbat Kapitan Luzviminda Dayandante at Ingat Yaman Albert Orlina, mga tunay na lingkod ng barangay batay sa kanilang sinumpaang tungkulin. Hindi matanggap ng 49thIB PAna isang katulad ni Dayandante ang magpapalayas sa kanilang garapal na pag-okupa sa barangay dahil gusto nilang tuwirang pakialaman ang plano ng konseho sa barangay na nabanggit.

Sa kasalukuyan, patuloy na binabalikan ng yunit ng kaaway ang mga pinaglunsaran nila ng Retooled Community Services Program (RCSP) sa mga lugar ng Guinobatan, Pio Duran, Jovellar, Oas, Libon at Ligao City.

Sa ganitong kaayusan, apektado ang pagkilos/aktibidad ng mga mamamayan sa komunidad – hindi maayos na makapagbungkal ng lupa ang mga magsasaka, saklot ng takot ang mga kababaihan, at maging ang mga kabataan ay hindi ligtas sa dala-dala nilang dekadenteng kultura. Sa kanilang pagposisyon sa mga lugar na nabanggit, nananatili pa din atrasado ang kabuhayan ng mga magsasaka at lalong nasadlak sa kumunoy ng kahirapan sa kabila ng kanilang daladalang programa. Wala itong dalang pangmatagalang solusyon sa kinasasadlakang kahirapan ng mamamayan kundi mga paglabag sa karapatang tao.

Kasabay ng kanilang RCSP, ang hatid na delubyo ng Simultaneous Anti-Criminality Law Enforcement Operations (SACLEO). Sa Albay, madami na ang nagiging biktima ng kanilang walang patumanggang “nanlaban kaya napatay”. Walang karapatan sa korte ang sinumang kanilang puntahan para diumano ay silbihan ng search o arrest warrant, kabalintunaan nito, “death warrant” ang kanilang dala-dala. Si Duterte mismo ang nagbigay ng impunidad sa hanay ng pulisya na pumatay kahit na sino na lamang.

Pulitika

Gaya ng inaasahan, malayo pa ang eleksyon ay kabilaan na ang pangangampanya ng mga pulitiko bagama’t di tuwirang nananawagan pero todo-larga ang pagpapakilala at pagpapabango.

Karamihan sa mga nakaupo sa lokal na gubyerno ay nakipagsabwatan sa AFP upang ideklara ang rebolusyonaryong kilusan bilang persona non grata (PNG). Nakipagtulungan sila ayon sa kagustuhan ng NTF-ELCAC/PTF-ELCAC na magmaniobra sa mga usaping pang-sibilyan sa probinsya. Tukoy ng SBC BHB – Albay kung sino ang mga pulitikong kasama sa mga pumirma at nagratsada ng Anti-Terrorism Law na ngayon ay tsapa nila sa walang habas na pangre-red tagged, harasment at paghuli sa mga aktibista gayundin ang pagpaslang sa mga kilalang nagsusulong ng tunay na karapatang tao.

Ekonomiya

Ang isang tampok na usapin sa probinsya ang hindi matapos-tapos na brown-out at sunod-sunod na shutdown ng buo-buong mga barangay. Ilang buwan nang hindi mapalagay ang mamamayang Albayano dahil sa kanilang walang kasiguruhan sa suplay ng kuryente. Nananatiling nakasuso ang ALECO sa APEC na puspos ng korapsyon at pandaraya sa mga konsumedures. Hindi maapula ng mga nakaupong opisyal mula sa governor hanggang sa barangay ang apoy ng panloloko sa mga kumukunsumo nito. Nananatiling pantapal lamang ang mga naihahaing solusyon ng mga lokal na opisyal ng probinsya. Malinaw ang sabwatan ng mga burges kumprador at burukrata kapitalistang kumukupo ng bilyon-bilyong tubo mula dito. Walang malinaw na plano ang lokal na gubyerno sa mura at naglilingkod sa mamamayang serbisyo sa kuryente.

Nananatiling mataas pa rin ang kilo ng baboy dahil sa napakataas na kaso ng african swine flu (asf) sa bansa. Sa halip na ugatin ang pinagmumulan nito at resolbahin kung paanong hindi maapektuhan ang pamilihan, dahil marami pa din ang mga lokal na hog raisers na hindi naman apektado nito, mas binigyan pansin ng gubyerno ang neoliberalismong pagpaling sa pamamagitan ng liberalisasyon. Tone-toneladang karne ng baboy ang ipinapasok sa bansa ng walang limitasyon.

Patuloy ang pagtaas ng kaso ng may corona virus, iilan pa din ang itinayong mass testing centers at hanggang sa kasalukuyan ay nananatiling pinanggagalingan ng korupsyon ang pagbili ng bakuna. Walang mahusay at mantinidong ayuda para sa nawalan ng trabaho at iba pang umaasa sa kakarampot nilang kita bago pa ang pandemya. Pinabayaan ang magsasaka sa kanilang dahop na ngang kalagayan, lalupang nalubog sa lusak nang dumating ang pandemya.

Paglaban

Hindi na bago sa mamamayang Albayano ang ganitong sistema ng gubyerno na ang pangunahing biktima ay sila. Nakaukit na sa kanilang kamulatan na walang ibang magbibigay ng mapayapang pamumuhay kundi sila din lamang. Kung paano, kailangang magsimula sa kanilang mahigpit na pagkakaisa at sama-samang pagkilos. Kaakibat ng kanilang pakikibaka ang malaking tungkulin ng rebolusyonaryong kilusan upang maigpawan nila ang malapyudal at malakolonyal na sistema.

Nakapaglunsad ng aabot sa 10 magkakaibang taktikal na opensiba ang mga yunit sa ilalim ng SBC BHB – Albay nitong nagdaang taon laban sa mga yunit ng AFP at PNP. Nakapaglunsad din ng ilang pagpapataw ng sangsyon sa ilang mga malalaking mandarambong ng likas na yaman na hindi tumatalima sa mga patakaran ng rebolusyonaryong kilusan. Obligasyon nilang sumunod dito dahil sila ay nasa teritoryo kung saan may isang gubyerno pa ang umiiral, ang rebolusyonaryong kilusan.

SONA 2021 ni Duterte, dagdag na kahambugan sa Bayan at Mamamayang Albayano