Cuba, sulo ng pandaigdigang pagkakaisa at serbisyong medikal
Nangunguna ang Cuba, isang maliit na bansa sa Latin America na ginigipit ng imperyalismong US, sa pakikiisa at pagbibigay ng serbisyong medikal sa mga mamamayan ng daigdig para labanan ang pandemyang Covid-19. Maagap itong nagpadala ng mga brigadang medikal para tumulong sa pinakatinamaang mga bansa. Noong Marso 18, pinayagan nitong dumaong at tinulungan ang MS Braemar, isang barkong British, matapos itong tanggihan ng ibang mga bansa nang malamang may dala itong mga nahawa ng sakit.
Inialok ng Cuba sa anumang bansang nangangailangan ang isang gamot na maaaring makasalba sa mga pasyenteng nagpositibo sa Covid-19. Ang naturang gamot, na tinaguriang Interferon Alpha 2-B, ay pinauunlad ng mga syentistang Cuban mula pa dekada 1980 bilang pangontra sa dengue, HIV, hepatitis at iba pang viral na sakit. Pinalalakas nito ang produksyon ng interferon (isang grupo ng mga protina) sa katawan ng pasyente para palakasin ang kanyang resistenya at labanan ang sakit. Ang sakit dulot ng Covid-19 ay walang gamot at nilalabanan lamang ng resistensya ng tao.
Magkatuwang na pinaunlad ng mga syentista ng China at Cuba ang naturang gamot. Minamanupaktura at ginagamit ito sa China mula pa Enero. Ayon sa mga syentista, pinakaepektibo ito kung naibibigay sa maagang bahagi ng impeksyon o bilang hakbang na pang-iwas. Isa ang interferon alpha sa 30 gamot na pinag-aaralan ngayon ng World Health Organization (WHO) na irekomenda bilang gamot laban sa Covid-19. Lalahok ang walong ospital sa Pilipinas sa gagawing internasyunal na eksperimento ng WHO.
Ayon sa Cuba, sapat ang kanilang suplay ng Interferon Alpha-2 para sa libu-libong mga pasyente. Handa rin itong magmanupaktura ng dagdag kung kinakailangan. Samantala, nagpahayag ng kahandaang tumulong ang halos kalahating milyong manggagawang pangkalusugan ng Cuba kung sila’y ipapatawag. Nasa 45 bansa na ang humingi ng tulong, ayon sa Cuban Health Workers Union noong Marso 30. Sa Pilipinas, naghapag na ng petisyon noong Abril 5 si Bayan Muna Rep. Euphemia Culiamat para hingin ang tulong ng Cuba.
Sa ngayon, mayroong 28,000 manggagawang pangkalusugan ang Cuba na nagseserbisyo sa 60 bansa. Ang programa ng pagpapadala ng mga brigadang medikal ay sinimulan ng dati nitong presidente na si Fidel Castro mula pa 1963. Nakapagbigay-serbisyo na ito sa mahigit 160 bansa sa buong mundo.