Nahawa ng Covid-19, higit 1 milyon na
Lampas na sa 1.2 milyon sa 204 bansa at teritoryo ang kumpirmadong nahawaan ng Covid-19 sa buong mundo noong Abril 6. Mahigit 52,000 na ang namatay mula nang unang lumitaw ito sa China noong nakaraang taon. Mas mataas pa malamang ang totoong bilang, ayon sa mga eksperto sa pandemya, dahil maraming kaso ang hindi naiuulat sa World Health Organization (WHO). Maraming mga bansa ang hindi nagsagawa ng mass testing o malawakang pag-eeksamen (kabilang ang Pilipinas at ilang bansa sa Africa) at may mga bansang pinaghihinalaang itinatago ang lawak ng impeksyon.
Pagsapit ng huling linggo ng Marso, mahigit dalawang bilyong tao na ang nakabukod (quarantine) at nananatili sa kanilang mga bahay para ipatupad ang “social distancing” o ang pisikal na paghihiwa-hiwalay ng mga tao para maiwasan ang mabilis na pagkalat ng virus. Malawakang isinara ang mga pabrika, ipinatigil ang mga byahe papasok at palabas ng mga bansa at pinagbawal ang malalaking pagtitipon. Pinakamahigpit ang ipinatupad na lockdown o pwersahang pagbubukod sa China, India, France, Italy, New Zealand, Poland at UK.
Malubhang tinamaan ang mga sentro ng kapitalismo. Pinakamarami ang nahawa sa US, kung saan nasa 366,906 na naitalang may impeksyon, at nasa 10,868 ang namatay noong Abril 6. Sentro ng outbreak ang New York City, kung saan 4,758 ang namatay at 131,239 ang nahawaan. Ito ay kahit maagang nagsara ng hangganan ang US sa China, nagbawal ng pagbyahe papunta at papasok doon, at nagpatupad ng pagbubukod sa mga nanggagaling doon. Noong Marso 13, idineklara ni Trump bilang national emergency ang pagkalat ng virus at naglaan ng $50 bilyon para agapan ang matitinding epektong pangkalusugan at sosyo-ekonomiko nito. Karamihan ng lokal na mga estado dito ay nagpatupad ng boluntaryong pagbubukod.
Katulad sa maraming bansa, dumaranas ng kasalatan ng mga ventilator (makinang nagbubuga ng oxygen para matulungang huminga ang pasyente), mask at iba pang personal protective equipment ang mga ospital at klinika sa US. Siksikan ang mga pasyente sa mga ospital, at halos di makaagapay ang mga morge sa dami ng namamatay.
Sa Europe, pinakatinamaan ang Italy, Spain, France, Germany at United Kingdom kung saan 626,140 ang naitalang nahawa at 33,498 ang namatay noong Abril 6. Pinakamarami ang namatay sa Italy (16,523) at Spain (13,341). Malayong mababa ang bilang ng namatay sa Germany (1,810) bagamat umabot sa 103,374 ang nahawaan sa kanila. Ayon sa mga eksperto, ito ay dahil sa maagap na mass testing na umaabot sa 500,000 kada linggo at paghahanda ng mga pasilidad para sa malulubhang kaso. Liban sa UK at Italy, boluntaryong pagbubukod din ang ipinatupad sa kalakhan ng Europe.
Sa China, nasa 81,708 na ang nahawa at 3,331 ang namatay. Matataas din ang bilang ng mga nahawa sa Iran, Turkey at Canada. Pagsapit ng Abril, nagsimula nang tumaas ang bilang ng impeksyon sa Brazil at iba pang bansa sa Latin America. Sa Pilipinas, mayroon nang 3,660 naitalang nahawa at 163 namatay sa sakit pagsapit ng Abril 6.
Ayon sa WHO, nasa 3% ang pangkalahatang tantos ng namamatay sa mga nahawa. Pinakabulnerable sa sakit ang matatanda (60 anyos pataas) na dati nang may sakit sa puso o diabetes.
Habang nagkakandarapa sa pagtugon sa krisis sa kalusugan, hinaharap ng mga gubyerno sa mundo ang pagkitid ng kani-kanilang mga ekonomya at malawakang pagkawala ng mga trabaho. Tinataya ng mga unyon sa Europe na aabot sa isang milyong trabaho ang mawawala dulot ng pagsara ng mga pabrika, eskwelahan, negosyo at pagbabawal sa malalaking pagtitipon. Mas mababa ito kumpara sa 10 milyon nang trabaho na nawala sa US, kung saan 6.6 milyon ay nawala sa loob lamang ng huling dalawang linggo noong Marso.