Lider-magsasaka sa Surigao, pinaslang
Sa harap ng krisis na dulot ng pandemyang Covid-19, binaril at pinatay ng mga armadong ahente ng estado si Nora Apique, 66, lider-magsasaka ng Kahugpungan sa mga Mag-uuma sa Surigao del Sur, balangay ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas. Papauwi na si Apique nang barilin siya sa Barangay Patong, San Miguel, Surigao del Sur noong Marso 31.
Tagapangulo si Apique ng Municipal Agrarian Reform Committee (ARC) at kasapi ng Provincial ARC. Lumahok siya sa karaban na inilunsad ng KMP-Caraga papuntang Metro Manila para manawagan ng libreng irigasyon. Si Apique ang ika-249 na magsasakang pinaslang sa ilalim ng rehimeng Duterte.
Samantala, inaresto sa Barangay Diatagon, Lianga ng mga pulis at elemento ng 3rd Special Forces Battalion ang lider-Manobo na si Gloria Tomalon noong Marso 16. Kilala siya sa aktibong paglaban sa operasyon sa pagmimina ng limang multinasyunal na kumpanya sa Andap Valley Complex na dumadambong sa kanilang lupang ninuno. Si Tomalon ay kapatid ni Bayan Muna Rep. Eufemia Cullamat.
Inaresto rin ng mga pulis at elemento ng 6th IB ang silbilyan na si Leon Tacduro sa Sitio Kipopo, Barangay Keytodak, Lebak, Sultan Kudarat noong Marso 16.
Sina Tomalon at Tacduro ay kapwa inakusahan na mga kasapi ng Bagong Hukbong Bayan at sinampahan ng gawa-gawang mga kaso.
Labing-isang magsasakang Lumad ang iligal na inaresto ng mga tropa ng 71st IB sa Sityo Manggapaluway sa Pantukan, Davao de Oro noong Marso 30. Galing ang mga magsasaka sa pangangaso ng baboy sa kagubatan nang sila ay hulihin.
Sa Negros Occidental, hinalughog ng mga elemento ng 94th IB ang mga bahay sa Barangay Luz, Guihulngan City at iligal na inaresto ang magsasakang si Teodoro Bolhano, residente ng Barangay Budlasan, Canlaon City noong Abril 3. Samantala, nagpapatuloy ang mga operasyong militar sa mga sityo ng Kambairan at Sampungan sa Barangay Trinidad sa Guihulngan City.
Samantala, niransak ng mga tropa ng 44th IB ang bahay ng magsasakang Lumad na kinilalang Boy Tupaw sa Barangay Cianan, Godod, Zamboanga del Norte noong huling linggo ng Marso. Ninakaw ng mga sundalo ang kanyang pera at pinagbabaril ang kanyang mga alagang manok.