Pambobomba ng AFP sa Bukidnon at Davao, tuluy-tuloy
Naglunsad ng serye ng pambobomba at patuloy ang nakapokus na mga opensibang militar ng Armed Forces of the Philippines sa hangganan ng Bukidnon-Davao sa kabila ng tigil-putukan sa panahon ng Covid-19. Ayon sa ulat ng Bagong Hukbong Bayan (BHB)-Bukidnon, walang patumanggang naghulog ng limang 230-kilo (o 500-libras) na bomba ang Philippine Air Force at 4th ID malapit sa dalawang komunidad ng mga Lumad sa Barangay Mandahikan, Cabanglasan noong Marso 27.
Tatlong bomba ang inihulog dakong alas-9 ng umaga, at dalawa pa dakong alas-2 ng hapon. Nagdulot ito ng troma sa mga bata at residente sa komunidad. Nawasak sa pambobomba ang kapaligiran na pangunahing pinagkukunan ng mga Lumad ng kanilang pagkain at kabuhayan.
Matapos ang dalawang araw, nagpakawala naman ang militar ng sampung rocket sa parehong barangay dakong tanghali. Nagpakawala rin ng mga bala ang mga kanyon na nakapwesto sa kanugnog na barangay sa Loreto, Davao del Norte. Matapos ang pambobomba, buong araw na nagpalipad ng eroplanong pangsarbeylans na Cessna ang militar sa erya, at nagdeploy ng dagdag na kolum ng sundalo para magsagawa ng mga operasyong kombat.
Samantala, nagdeploy din ng dalawang kolum at tatlong armored fighting vehicle ang militar sa Sityo Tapayanon, Barangay Gupitan, Kapalong, Davao del Norte. Noong Marso 24, sinalakay ng mga elemento ng 60th at 56th IB ang isang yunit ng BHB na nakakampo sa lugar. Pinalabas ng militar na sila ang inatake ng BHB kahit pa malinaw na naglulunsad ang mga sundalo ng mga operasyong kombat. Sa katunayan, bago pa man ang labanan ay nagpwesto na ang militar ng mga kanyon para suportahan ang mga nag-ooperasyon nitong tropa.
Nireyd din ng militar ang kampo ng BHB sa Little Baguio, San Fernando, Bukidnon noong Marso 29 dakong alas-2 ng madaling araw.
Iniulat din ng mga residente na nagpapatuloy ang mga operasyon militar sa mga Barangay ng Kibongcog at Poblacion, San Fernando; Barangay Concepcion, Valencia; Santa Filomena, Quezon; Barangay Bulonay at Kalabugao, Impasug-ong; Barangay Busdi, Caburacanan, Manalog, Saint Peter at Zamboanguita, Malaybalay City; at Barangay Poblacion, Cabanglasan.
Nagpwesto rin ang mga sundalo ng dalawang kanyon sa Sityo Nursery, Barangay Concepcion at isa pa sa Sityo Salaysay sa Barangay Santa Filomena.
Patuloy na nagpapalipad ng mga eroplanong paniktik at drone ang militar sa nasabing mga erya mula pa noong huling linggo ng Marso.