Dagdag na alerto at pag-iingat, kailangan sa panahon ng tigil-putukan
Nanawagan ang Partido Komunista ng Pilipinas (PKP) ng dagdag na alerto at pag-iingat sa lahat ng yunit ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) sa panahon ng tigil-putukan. Ito ay sa harap ng walang lubay na pang-aatake ng mga yunit ng militar at pulis sa iba’t ibang bahagi ng bansa. Isinasagawa ang mga atakeng ito sa kabila ng idineklarang tigil-putukan ni Rodrigo Duterte noong Marso. May bisa ang unilateral na deklarasyon ng rehimen mula Marso 19 hanggang Abril 15.
Nananawagan din ang Partido na higit pang pahigpitin ng BHB ang lihim na pagkilos para gawing bulag at bingi ang mga yunit ng AFP at pagkaitan sila ng pagkakataong salakayin ang hukbong bayan. Ito ay para mabigyan ng pinakamaraming pagkakataon ang mga Pulang mandirigma na magsagawa ng kinakailangang mga hakbang para tulungang maghanda ang mamamayan laban sa pagkalat ng Covid-19. Gayunpaman, kailangang lagi pa rin silang handa na ipagtanggol ang sarili at ang mamamayan sa mga opensibang operasyon ng AFP.
Positibong tumugon ang Partido sa panawagan ng United Nations para sa isang pandaigdigang tigil putukan para ituon ang pansin sa paglaban sa pandemyang Covid-19. Noong Marso 19, inatasan ng Partido ang lahat ng kumand at yunit ng hukbong bayan at milisyang bayan na itigil at iwasan ang paglulunsad ng mga opensibong operasyon laban sa mga yunit at tauhan ng AFP at PNP. Hinimok nito ang lahat ng rebolusyonaryong pwersa na patuloy na ituon ang kanilang panahon sa paglulunsad ng mga mga kampanya sa kalusugan at pagbibigay ng libreng mga serbisyong medikal para pigilan ang pagkalat ng Covid-19. Tatagal hanggang Abril 15 ang tigil-putukan ng BHB.
Ang PKP ang pinakaunang pwersang nakikidigma na tumugon sa panawagan ng UN para sa tigil-putukan. Pinuri ito ng UN at sinabi sa isang pahayag na ito ay “magsisilbing halimbawa sa buong mundo.” Inianunsyo ng UN noong Abril 4 na positibong tumugon sa panawagan ang 11 pang bansa, kabilang ang reaksyunaryong estado ng Pilipinas.
Tuluy-tuloy na opensibang militar
Hindi lamang ang sariling tigil-putukan, kundi pati ang sinang-ayunan nitong pandaigdigang tigil-putukan, ang nilalabag ng rehimen sa paglulunsad ng mga operasyong militar sa harap ng pandemyang Covid-19. Nilulustay nito ang pondong maaari sanang ilaan sa paglaban ng pandemya sa walang lubay at magastos na mga operasyong kombat, psywar, drone surveillance at pambobomba nito sa mga sibilyang komunidad. Base sa inisyal na mga ulat na natipon ng Ang Bayan, tuluy-tuloy na nagsasagawa ang AFP ng mga operasyon sa 80 bayan at syudad, saklaw ang 146 barangay sa nakaraang dalawang linggo.
Ilang araw matapos manawagan si Duterte ng tigil-putukan, ipinagmayabang ng 8th IB ang inilunsad nitong reyd laban sa kampo ng BHB sa Sityo Bendum, Barangay Busdi, Malaybalay City, Bukidnon.
Sa Quezon, inatake ng 85th IB noong Abril 1 ang isang yunit ng BHB sa Barangay Ilayang Yuni, Mulanay. Isa pang yunit ng hukbong bayan ang nireyd ng mga sundalo ng 59th IB sa Barangay Mabunga, Gumaca noong Marso 31. Ayon sa BHB-Quezon, tuluy-tuloy ang operasyong kombat ng AFP sa 10 bayan ng prubinsya.
Inatake din ng 80th IB ang isang yunit ng BHB na nagsasagawa ng misyong medikal sa Barangay Puray, Rodriguez, Rizal noong Marso 28. Pinalabas ng AFP na nanguna ang BHB sa pag-atake. Taliwas ito sa mismong spot report ng 2nd ID na sila ang nagsagawa ng combat patrol laban sa BHB.
Noong Abril 2, isa pang yunit ng hukbong bayan ang inatake ng 44th IB sa Barangay Balagon, Silay, Zamboanga Sibugay. Isang kampo rin ng BHB ang inatake ng parehong yunit sa Barangay Peñaranda, Kabasalan noong Marso 21.
Nagdudulot ng peligro at matinding hirap ang mga operasyon ng militar at pulis sa mga baryong kanilang inookupa. Sa Samar, iniulat ng BHB ang pag-ooperasyon ng mga sundalo na walang karampatang pag-iingat na medikal. Saklaw ng operasyon ang hindi bababa sa 15 bayan ng Northern, Eastern at Western Samar.
Malawakan din ang mga operasyon sa mga isla ng Negros at Mindoro, Davao Region, Zamboanga Peninsula gayundin sa mga prubinsya Sorsogon, Palawan, Capiz, Sultan Kudarat, Saranggani, Misamis Occident at Surigao de Sur. (Para sa talahanayan, sumangguni sa website ng PKP sa www.cpp.ph.)