Gawa-gawang mga kaso laban sa 9 na aktibista, ibinasura

,

Magkakasunod na ibinasura ngayong buwan ng dalawang rehiyunal na korte at mga prosekyutor ang gawa-gawang kasong isinampa laban sa pitong aktibista sa Metro Manila, Albay at General Santos City, at dalawang istap ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP).

Unang ibinasura noong Agosto 4 ng Legazpi Regional Trial Court sa Albay ang kasong gunrunning laban kay Pastor Danilo Balucio. Ipinawalambisa nito ang mandamyento na ginamit ng pulisya sa paghalughog sa bahay ni Balucio at pag-aresto sa kanya noong Mayo dahil hindi umano nakabatay ang paglalabas nito sa makatotohanang impormasyon.

Noong Agosto 13, naibalita ang pagbasura ng mga prosekyutor sa reklamong kidnapping at bigong pagbalik sa isang menor de edad na isinampa ng pulisya laban sa kabataang aktibistang sina Elaine Edzel Emocling, Christine Joy Dual, Alex Danday at Alfie Omaga. Inakusahan ang apat na nagrerekrut ng mga kasapi ng hukbong bayan kaugnay ng pag-kidnap umano nila sa isang aktibistang nagngangalang “Trisha.” Nilinaw ng mga prosekyutor na hindi armadong pakikibaka ang paglahok sa mga protesta.

Noong Agosto 12, ibinasura ng General Santos City Regional Trial Court ang kasong illegal possession of firearms and explosives laban sa mag-asawang sina Edgar and Regina Patulombon na inaresto ng pulisya noong 2015 batay sa itinanim na mga ebidensyang baril at pasabog. Ibinasura ang kaso matapos na mapag-alaman na isinailalim ang mag-asawa sa imbestigasyon nang hindi ipinaaalam ang kanilang mga karapatan.

Noong Agosto 19, ipinawalambisa ng korte sa Quezon City ang search warrant na ginamit para tamnan ng mga baril at eksplosibo at arestuhin ang mag-asawang Alexander at Winona Birondo noong 2019. Pareho silang istap ng NDFP sa usapang pangkapayapaan.

Gawa-gawang mga kaso laban sa 9 na aktibista, ibinasura