Gutom at hirap sa ilalim ng ECQ
Ibinababa na sa modified enhanced community quarantine (MECQ) ang antas ng lockdown sa National Capital Region (NCR), Bataan at Laguna mula Agosto 21 hanggang 31, matapos ipailalim sa dalawang-linggong enhanced community quarantine (ECQ), ang pinakamahigpit na kwarantina. . Naabot ang desisyon sa pamamagitan ng “sikretong botohan” ng mga myembro ng Inter-Agency Task Force at walang isinapublikong mga batayan nito.
Ginawa ang anunsyo ilang oras matapos iulat ng Department of Health (DOH) ang mahigit 14,000 bagong kaso ng nahawa ng bayrus noong Agosto 19. Sa sunod na araw, umabot sa 17,231 ang naiulat na bagong kaso, pinakamarami mula nagsimula ang pandemya. Bago ipinataw ang 2-linggong ECQ, nag-abereyds lamang sa 9,000 ang nahawa ng bayrus araw-araw. Ayon sa ahensya, halos 24% sa 60,000 indibidwal na na-test ay nagpositibo. Ibig sabihin, napakakaunti ng tine-test nito dahil dapat maabot ng bansa ang 5% positivity rate sa bilang ng mga tine-test para masabing sapat ang testing nito.
Lampas 1.8 milyon na ang tinamaan ng Covid-19 sa buong bansa noong Agosto 20. Lampas 10,000 ang arawang nahahawa sa nakaraang siyam na araw, at tinatayang tataas pa ito sa susunod na mga linggo.
Sa Metro Manila, nasa 73% ng mga kama sa ospital para sa kritikal na mga kaso ang okupado. Gamit na rin ang 60% ng mga isolation bed, 67% ng mga ward bed at 61% ng mga ventilation machine. Imbes na mabilis na paramihin ang mga pasilidad para saluhin ang dumaraming kaso, inutos ng IATF na ibaling ng mga ospital na ang mga kama na nakalaan sa mga pasyenteng may ibang sakit sa mga pasyenteng may Covid-19. Ginagawa ito nang walang dagdag na personel sa mga ospital at iniaatang sa sobra satrabahong mga nars at duktor.
Pero ang lumalabas na pinakadahilan ng pagbaba ng istatus sa pagkakwarantina ay ang sinabi ni Department of Interior and Local Government na si Gen. Eduardo Año na walang na diumanong pondong pang-ayuda ang gubyerno kung palalawigin pa ang ECQ.
Bago pa nito, kinontra ng maraming negosyante ang planong palawigin ang lockdown. Anila, sa ngayon pa lamang ay marami na ang nagsarang negosyo at tiyak na madaragdagan pa kung palalawigin pa ang ECQ. Sa datos ng National Economic Development Authority, ₱150 bilyon ang nawawala kada linggo sa pag-iral ng ECQ. Matindi ang epekto nito sa ekonomya dahil ang sangkatlo nito ay binubuo ng NCR.
Bunga ng serye ng mga lockdown mula 2020, umaabot na sa 9.2 milyon hanggang 13.5 milyong Pilipino ang nawalan o kulang ng trabaho dahil sa pandemya. Idagdag pa dito ang tinatantyang 444,000 nawalang trabaho dahil sa dalawang linggong ECQ.
Imbes na palakasin, lalong nalugmok ang sistemang pangkalusugan at mga manggagawa nito. Ayon sa Philippine Nurses Association, umaabot na sa 40% ng mga nars sa bansa ang nagbitiw sa trabaho mula noong nakaraang taon bunga ng sobrang pagod, maliit na sweldo at walang ayuda tulad ng special risk allowance at active hazard pay mula sa gubyerno. May 30,000 nars ang nagtatrabaho sa pribadong sektor at 13,000 sa kanila ang kontraktwal. Nagbabanta ang mas marami pang nars na magbitiw sa pwesto dulot ng sobra-sobrang trabaho at pagkakait ng kanilang mga benepisyo.
Binatikos naman ng mga mambabatas ang napakaliit na ₱4.5-bilyong ayudang ipinagmamayabang ni Año. Batay sa datos mula sa iPrice, isang online data aggregator, ipinapakita na ang NCR noong Abril ay pumapangalawa sa may pinakamataas na renta sa bahay, kasunod ng Singapore. Ayon kay Bayan Muna Rep. Carlos Zarate, ang gastos para sa isang buwan ng isang tao sa NCR ay ₱50,800 at ₱28,800 kung hindi siya umuupa. Kung hahatiin ito sa dalawang linggo, ang isang indibidwal ay nangangailangan ng ₱14,000 kada linggo. Ang alokasyong ₱1,000 kada indibidwal ay hindi man lamang katumbas ng dalawang araw ng minimum na sweldo sa NCR at mas mababa sa ₱1,058 kada araw na nakabubuhay na sweldo para sa lima-kataong pamilya. Kahit ibibigay pa ng gubyerno ang ₱4,000 kada pamilya, hindi pa rin ito sasapat. Batay sa datos ng iPrice, ang isang apat-kataong pamilya ay nangangailangan ng ₱57,600 upang mabuhay ng disente sa loob ng dalawang linggo, malayo sa maksimum na maaaring makuhang ayuda na ₱4,000.
Sa gitna nito, pinaarangkada ng rehimen ang paghihigpit sa kilos at panggigipit sa ngalan ng pandemya. Umabot sa 108,777 ang inaresto ng mga pulis sa NCR dahil sa paglabag sa mga protokol pangkalusugan pangunahin sa pang-ekonomyang kadahilanan. Binaril naman ng isang tanod ang mangangalakal ng basura na si Eduardo Geñoga noong gabi ng Sabado sa Barangay 156 sa Tondo, Manila matapos sitahin dahil sa paglabag sa curfew. Si Geñoga ay maysakit sa pag-iisip.