Mga anomalya sa pondong pampandemya
Inulan ng batikos si Rodrigo Duterte matapos niyang batikusin at sindakin ang Commission on Audit (COA) noong Agosto 16 na itigil ang pagsasapubliko ng mga ulat kaugnay sa mga anomalya sa pondong pampandemya ng iba’t ibang ahensya ng reaksyunaryong gubyerno. Sa sumunod na araw, idinaing ni Department of Health (DOH) Sec. Francisco Duque III na “winarak” umano ng komisyon ang kagawaran matapos na malantad ang maanomalyang paggamit sa pondong pangkalusugan sa kritikal na panahon ng pandemyang Covid-19. Kriminal ang pagpapabaya at pagwawaldas sa pondo ng bayan sa gitna ng pandemya. Ito ay habang ilanlibong buhay ang nasakripisyo, at milyong nawalan ng trabaho at sumubsob sa kahirapan.
Pinuna ng COA ang DOH sa bigong paggamit nito sa pondong pampandemya, at mga iregularidad at kabagalan sa sistema ng pagbili ng mga suplay at kagamitang medikal.
Sa partikular, kinwestyon ng COA ang mga anomalya sa paggamit at hindi pagmaksimisa sa aabot ₱67.32-bilyong pondong pampandemya ng DOH noong 2020. Ayon sa ahensya, umabot sa ₱11.89-bilyong pondo para sa pagpapaunlad ng sistemang pangkalusugan ang hindi nailabas dulot ng mga kakulangan ng DOH. Kinwestyon din ng COA ang mahigit ₱95.15-milyong halaga ng gamot at iba pang kagamitang medikal na na-expire na o di kaya’y malapit nang ma-expire sa imbentaryo nito. Liban dito, lumalabas na nagkaroon ng sobrang pagpepresyo nang hanggang ₱1 bilyon ang pagbili ng ahensya ng mga face mask at face shield na ipinaubaya nito sa Department of Budget Management (DBM). Naungkat na ibinalik ng DOH sa DBM ang ₱42 bilyon para sa pagbili ng mga gamit medikal nang walang kaukulang dokumentasyon.
Dagdag dito, wala ring maayos na dokumentasyon ang ₱539.29 milyong ginastos ng DOH para sa kumpensasyon ng mga manggagawang pangkalusugan; ₱275.9 milyon para umano sa mga “meal allowance” at ₱11.66 milyon para sa death and sickness pay ng mga manggagawang pangkalusugan; at kung paanong ginamit ang ₱1.4 bilyong donasyon na natanggap nito sa parehong taon.
Department of Social Welfare and Development. Hindi nagamit ng ahensya ang ₱780.71-milyong badyet nito para sa Social Amelioration Program (SAP) na napakinabangan sana ng 139,300 benepisyaryo. Kinwestyon din ang paggamit nito sa ₱4.36-bilyong pondo para sa SAP sa anim na rehiyon nang walang maayos na dokumentasyon. Sa kabuuan, aabot sa ₱5.46 bilyon ang kwestyunableng ginamit ng ahensya.
Department of Labor and Employment. Napuna ang kawalan ng maayos na internal na sistema sa pagtitiyak ng ayuda sa ilalim ng tatlong programa sa ayuda para sa mga manggagawa at migranteng nawalan ng trabaho dulot ng pandemya. Napansin ng mga awditor ang ilang iregularidad gaya ng sobra-sobrang ayuda sa 213 benepisyaryo na nagkakahalagang mahigit ₱1 milyon. Nalantad din ang hindi pagbibigay sa mga benepisyaryo ng anumang ayuda o di kaya’y kulang na ayuda. Nasa ₱22.34 milyon naman ang nakadeposito pa sa mga remittance center at hindi pa nakukuha. Nasa ₱1.57 bilyon naman ang ipinamahagi nitong cash advance sa mga manggagawa nang walang maayos na dokumentasyon.
Land Transportation Franchising and Regulatory Board. Isang porsyento lamang o ₱59 milyon ang inilabas ng ahensya para sa Service Contracting Program na naglalayon sanang pansamantalang iempleyo ang mga drayber na naapektuhan ng mga restriksyon sa pagbabyahe. Wala pa sa kalahati ng 60,000 benepisyaryong drayber ang nairehistro sa naturang programa.
Department of Agriculture. Umaabot sa ₱2.2-bilyong pondo ang hindi nito nagamit sa ilalim ng Bayanihan 2 na nakalaan para ayudahan ang maliliit na magsasakang apektado ng pandemya. Sumobra naman ng ₱250.53 milyon ang naipamahagi nitong ayuda para sa mga magsasaka sa ilalim ng apat na programa nito. Kabilang umano sa mga nabigyan ng ayuda ang “hindi kwalipikadong mga magsasaka” at doble hanggang tripleng pagbibigay ng ayuda sa 14,058 benepisyaryo. Napuna rin ang hindi wastong pagpepresyo ng ahensya sa mga kagamitan sa pagsasakang ipinamamahagi nito.
Department of Education. Napuna ang naantalang paglalabas ng ahensya ng ₱1.39 bilyon sa ilang mga dibisyon nito sa harap ng matinding pangangailangan bunsod ng pagpapatupad ng distance learning. Nasa ₱916 milyon lamang (41%) sa ₱2.23-bilyong pondong nakalaan para sa anim na rehiyunal na upisina ng ahensya ang nailabas, habang nasa ₱29 milyon ang hindi nagamit ng pito ding panrehiyong upisina. Pinuna rin ng COA ang mali-mali, kulang-kulang at napakabagal na produksyon at deliberi ng mga modyul na ginagamit sa distance learning.