US, pinalayas sa Afghanistan; Taliban, nabawi ang poder

,

Tapos na ang gera. Ito ang deklarasyon ng Taliban noong Agosto 16 matapos agawin ng mga mandirigma nito ang Kabul, kabisera ng Afghanistan, at wakasan ang 20-taong okupasyon ng US at papet nitong gubyerno. Bago pa man tuluyang pinasok ng Taliban ang Kabul, lumayas na si Ashraf Ghani, presidenteng papet ng US, kaya kaagad naitatag ang bagong gubyerno. Ang Taliban ang naghaharing pangkatin sa Afghanistan nang unang inilunsad ng US ang gerang agresyon nito noong 2001. Inianunsyo na ng grupo ang pagtatayo ng Islamic Emirate of Afghanistan sa pagbabalik-kapangyarihan nito.

Ibinwelo ng Taliban ang opensiba para bawiin ang estado poder noong Mayo 4, matapos ianunsyo ng US ang pagsisimula ng pag-atras ng mga pwersang pangkombat sa bansa. Sa loob lamang ng dalawang buwan, nakontrol ng Taliban ang kalahati ng mga distrito, kabilang ang mga teritoryong okupado ng mga karibal nitong warlord. Sa kabila nito, minaliit ni US Pres. Joseph Biden ang grupo noong Hulyo at sinabing “hindi kakayanin” ng “75,000-katao” nito na gapiin ang mahigit 300,000-kataong Afghan National Army (ANA) na sinanay, pinondohan at inarmasan ng US.

Noong Agosto 6, naagaw ng Taliban ang una nitong syudad na Zaranj. Sa panahong ito, tinaya ng US na maaaring bumagsak ang kabisera sa loob ng 90 araw. Sa aktwal, ang halos walang sagkang pagkubkob sa Kabul at 20 pang sentrong lunsod ay naganap sa loob lamang ng sampung araw. Sinabayan ito ng kampanya ng pangungumbinsi at mga pangako na bibigyan ng amnestiya ang lahat ng mga sundalo ng ANA. Hindi lumaban ang papet na armadong hukbo at sa halip ay tumalilis, sumurender o di kaya’y bumaliktad nang salakayin ang kanilang mga syudad.

Nagkandarapa ang US na ilabas sa bansa ang mga tauhan nito noon ding Agosto 16. Kabilang sa mga hindi nakauwi ang 2,500 migranteng manggagawa, kung saan 132 ay mga Pilipino. Sa harap ng pangamba ng karahasan ng maraming Afghan at mga dayuhan, hinimok ng 60 bansa at United Nations ang Taliban na payagan ang sinumang gustong umalis sa bansa.

Pamanang pinsala at kahirapan

Walang kapantay na pinsala at kahirapan ang pamana ng US sa 20-taong okupasyon nito sa bansa. Ayon sa isang pananaliksik sa US, umaabot sa 3,487 sundalong Amerikano at kanilang mga kaalyado, halos 4,000 pribadong “kontraktor,” 80,000 sundalong Afghan at mahigit 84,000 sa panig ng “oposisyon” sa 2001-2021 ang napatay sa “walang katapusang gera.” May mga tayang umaabot sa 875,000 ang napatay na mga sibilyan. Nasa 3.5 milyon ang nadisloka dahil sa mga labanan.

Umaabot sa $2.26 trilyong pampublikong pondo ang winaldas ng US mula 2001 hanggang 2021. Kalakhan nito ($933 bilyon) ay bahagi ng pondo ng Overseas Contingency Operations, ang operasyong “kontra-terorismo” sa ibayong-dagat ng US Department of Defense.

Gumastos ang US ng $144.98 bilyon para sa rekonstruksyon at $36.29 bilyon para itayo ang papet na estado sa unang 10 taon ng okupasyon. Ayon sa Special Inspector General for Afghanistan Reconstruction, di bababa sa 20% sa pondong ito ay winaldas o kinurakot ng mga upisyal na Afghan. Kabilang dito ang $1 bilyong pondo para sa pagtatayo ng mga eskwelahang sasaklaw sa mga batang babae, isang programang ginamit para bigyang-katwiran ang okupasyon.

Iiwan ng US na wasak ang lokal na ekonomya ng Afghanistan. Nag-abereyds lamang sa 2.5% ang paglago nito sa 2015-2019, mula nang magbawas ang US ng tropa rito. (Bago nito, nasa 8% ang taunang abereyds ng paglago ng GDP dulot ng malalaking base militar.) Nag-negatibo nang 2.8% ang paglago ng GDP ng bansa noong 2020.

Sa parehong taon, umakyat tungong 37.9% ang tantos ng disempleyo. Malaking bahagi nito ay dulot ng pagsasara ng mga base militar na nag-empleyo sa halos 40% sa mga Afghan. (Sa Kabul, may panahong 90% ng populasyon ay tali ang kabuhayan sa embahada at base militar ng US.)

“Marupok” at nakaasa sa internasyunal na ayuda ang ekonomya, ayon sa World Bank. Noong 2019, 22% ng gross national product nito ay mula sa internasyunal na mga ahensya. (May panahong hanggang 80% ng pambansang badyet at 40% ng GDP ay dayuhang ayuda.) Walang naitayong istableng imprastruktura. Hindi napaunlad ang agrikultura kung saan nakaasa ang 60% ng populasyon. Lansakan ang kriminal na mga aktibidad tulad ng ismagling at bentahan ng opium poppy, ang halamang ginagamit sa produksyon ng iligal na drogang heroin.

Lalong humirap ang buhay ng mga Afghan sa pagragasa ng pandemyang Covid-19. Nasa 75% ang nagsabing wala silang natanggap na ayuda mula sa (napatalsik na) gubyerno. Umabot sa 36% ang nagsabing dumanas sila ng krisis sa pagkain. Nasa 72% ng populasyon ay nabubuhay sa kahirapan, mas mataas kumpara sa 55% noong 2019.

US, pinalayas sa Afghanistan; Taliban, nabawi ang poder