Lupang sakahan sa Masbate, inagaw sa ngalan ng ekoturismo
Mahigit 21,000 residente ang mapalalayas sa kanilang mga sakahan at pangisdaan dulot ng proyektong Masbate International Tourism Enterprise and Special Economic Zone ng Empark Land Development Inc. Saklaw ng proyekto ang mahigit 1,854 ektaryang lupaing agrikultural sa pitong barangay sa tabing-dagat ng bayan ng Dimasalang at apat sa katabing Palanas. Liban dito, dahil deklaradong mga sangftwaryong marino, dati nang ipinagbabawal sa mga residente ang pangingisda sa may 222-ektaryang dagat at bakawanan sa erya. Pero sa ilalim ng Empark, nanganganib na maubos ang mga ito.
Ipinagyayabang ni Duterte na ito na ang pinakamalaking proyektong panturismo. Mahigit ₱190 bilyon ang ipinuhunan dito ni Huang Rulun, bilyonaryong Chinese na may ari ng Empark at malapit kay Duterte. Humaharap si Huang sa mga kaso ng korapsyon sa kanilang bansa. Noong kasisimula pa lamang ni Duterte sa poder ay nagbigay siya ng ₱1.4 bilyon para umano sa konstruksyon ng dalawang drug rehabilitation center.
Noong Abril 2018 sinimulan ng Empark ang operasyon nito para itransporma tungong sonang panturismo ang nabanggit na lupain at nagpapatuloy ito ngayon sa kabila ng pandemya. Ang enggrandeng proyekto ay planong pagtayuan ng mga casino, mall, hotel, golf course at daungan para sa mga yate. Dagdag pa rito ang mahigit 50 pang pasilidad. Sa laki at lawak ng proyekto, tinatayang sa 2044 pa makukumpleto ang huling yugto ng konstruksyon nito.
Turismo para sa dayuhang kapital
Todo-todo ang pagtutulak ng rehimeng Duterte para sa pamumuhunan sa industriya ng turismo kahit sa harap ng pagbagsak nito sa panahon ng pandemya. Noong 2019, umaabot na sa 12.7% ng gross domestic product ng bansa ang nagmula sa turismo, mas mataas kaysa 12.3% sa naunang taon. Kumita rito ang gubyerno ng ₱466 bilyon, mas mataas nang 21% sa taon bago nito. Noong 2019, umabot sa ₱569.1 bilyon ang pribadong pamumuhunan dito.
Sa bisa ng Republic Act 11262, lalupang ibinukas ng rehimeng Duterte ang turismo sa dayong pamumuhunan. Nagbigay ang Tourism Infrastructure and Enterprise Zone Authority (TIEZA) ng samu’t saring insentiba para sa mga tourism enterprise zone (TEZ o sona ng mga empresang panturismo). Kabilang dito ang di pagbabayad ng buwis nang anim hanggang 12 taon, libreng buwis sa mga ipapasok na dayuhang kapital, kagamitan at serbisyo, anim na taong pagpapababa ng buwis sa mga pagkalugi, at iba pang benepisyo. Liban dito ay maaaring upahan ang erya nang hanggang sa 75 taon.
Ganito rin ang iniaalok ng TIEZA sa di bababa sa 12 prayoridad na TEZ sa siyam na prubinsya. Kabilang ang mga ito sa 20 klaster ng turismo sa buong bansa na target ng Department of Tourism na makapagpalitaw ng ₱3.9 trilyong kita sa pagtatapos ng rehimen. Sa nabanggit na prayoridad na mga TEZ, hindi bababa sa 2,000 ektaryang sakahan at pangisdaan ang isinusubasta ng TIEZA.
Sa buong bansa, pursigido ang rehimeng Duterte na patituluhan ang mga lupang dati nang binubungkal ng mga magsasaka para mas madaling maibenta at makonsentra sa kamay ng mga debeloper. Noong 2019, iniutos ni Duterte sa Department of Agrarian Reform na pabilisin ang proseso ng pagpapalit-gamit ng mga lupang agrikultural. Liban sa mga proyektong panturismo, malawakan ang pagbebenta ng lupa para sa mga kapitalistang plantasyon, malawakang mina at mga proyektong real estate.