Korapsyon sa gitna ng krisis at pandemya
Sa gitna ng malawak at mistula’y walang katapusang pagdurusa ng sambayanang Pilipino sa pandemya at mga pahirap na lockdown, nagawa pa ng rehimeng Duterte na lustayin, kurakutin at ipagkait sa mamamayan ang ilampung bilyong pisong pondo ng bayan.
Labis-labis ang pagngangalit ng sambayanang Pilipino sa ibinunyag ng Commission on Audit (COA) na mga katiwalian sa gubyerno, laluna sa paghawak ng pondong para sa pandemya na kulang na kulang na nga, ay sinayang o nilustay pa. Tanda na laganap at sistematiko ang korapsyon sa ilalim ni Duterte, tadtad ng pulang marka ng COA ang halos lahat ng mayor na ahensya ng gubyerno. Sa tangkang pagtakpan ang mga katiwaliang ito, sinindak ni Duterte ang COA na huwag ilabas ang kanilang mga nauungkat.
Sa harap ng ilampung libong namatay sa Covid-19, mahigit isang milyong nagkasakit, milyun-milyong nawalan ng hanapbuhay at dumanas ng labis na kahirapan at kagutuman, kriminal ang mga katiwaliang ito at dapat papanagutin ang mga tao sa likod nito. Inilalantad nito na huwad ang sinasabing nagsisilbi sa taumbayan ang burukrasya ng reaksyunaryong estado. Ang totoo’y mabigat na pasanin ito na dumudurog sa balikat ng karaniwang mamamayan.
Ang paglustay at di tamang pagprayoridad sa pondo ng bayan ay ibayo pang nagpapalala sa dinaranas na krisis ng bansa at pagdurusa ng mamamayan. Ang labis na kakulangan, paglustay at pagsayang sa pondong nakalaan sa pagharap sa pandemya ay pumipilay sa kapasidad ng bansa na daigin ang pandemya. Kulang na kulang ang kakayahan sa mass testing, contact tracing, pagbabakuna at pagpapalakas ng kapasidad ng mga pampublikong ospital, mga susing hakbang upang madaig ang pandemya. Mahigit isang taon na pero bulag pa rin ang mga upisyal sa kalusugan kung saan at papaano kumakalat ang sakit.
Kaya laging huli pa rin ang tugon ng gubyerno sa paglaganap ng bayrus at sa katapusan ay paulit-ulit na lockdown ang sagot. Dahil sa pagsalalay sa militaristang lockdown bilang solusyon sa pandemya, nilulumpo ni Duterte ang ekonomya ng bansa at kabuhayan ng ordinaryong mga Pilipino.
Malaking bahagi ng mga katiwaliang ito ay kinatatangian ng pondong hindi ginamit na ipinag-utos ni Duterte na ipunin ng Department of Budget and Management. Marami ang naniniwalang bahagi ito ng pagkakamkam ng bilyun-bilyong pisong pondong pang-eleksyon na ibubuhos sa ekonomya sa katapusan ng taon o sa susunod na taon para magpasiklab, ipambili ng boto at suporta ng mga pulitiko at para sa manipulasyon ng resulta ng eleksyon.
Sukang-suka ang taumbayan kung papaanong iniuuna pa ngayon ni Duterte ang pagkakapit-tuko niya sa poder sa harap ng malawakang paghihirap ng masang Pilipino na bunga ng kanyang kapalpakan sa paggugubyerno at lubhang kapabayaan. Ang kaakibat nitong tiwaling paghawak sa pondo ng gubyerno ay dagdag pasakit at pasanin ng taumbayan.
Lantad na lantad nang hungkag ang asta ni Duterte na “anti-korapsyon.” Ang pagsipa sa maliliit na burukrata ay palabas para tabingan ang korapsyon ng malalaki. Ang pinakamalalaking kurakot ay ang pinakamalalapit niyang utusan, mga heneral at pinakapinagkakatiwalaan niyang mga upisyal na kahit nabuko na’t binabatikos kaliwa’t kanan ay hinahayaang magpatuloy sa kanilang paglulustay at pagsasayang sa pera ng taumbayan. Umaalingasaw sa kabulukan ang kanyang gubyerno.
Dahil sa lumalalang katiwalian, labis-labis na pagpapabaya at pangungunyapit ni Duterte sa kapangyarihan, lumalaki ang posibilidad na sumambulat ang mas malubha pang krisis sa kalusugan, ekonomya at pulitika sa mga darating na linggo at buwan.
Sa paglitaw ng bagong mas mababagsik na tipo ng Covid-19 tulad ng Delta variant at iba pa, malaki ang banta na lalo pang lalala ang pandemya na lagpas sa kakayahan ng sistemang pangkalusugan. Parami nang parami ang mga nars na nagbibitiw dahil sa pagod sa trabaho at pagod sa kahihintay ng kanilang mga benepisyo. Kinukulang na ang mga ospital ng mga pasilidad at manggagawang tatao sa mga ito, kaya maraming maysakit ang hindi na nabibigyan ng lunas. Sa harap nito, paulit-ulit na lockdown pa rin ang pangunahing sagot ng rehimen, na tiyak na ibayo pang lulumpo sa ekonomya at kabuhayan ng masa.
Sinasaid ng rehimeng Duterte ang pasensya ng taumbayan. Kumukulo ang dugo ng mamamayan sa ipinakikita ng mga tiwaling burukratang kapitalista kung paanong inuuna pa nila ang kanilang kapangyarihan, mga layaw, pitaka’t bulsa kahit nakahandusay na ang bayan sa pagdurusa. Hinahanap ng taumbayan kung paano at saan ibubuhos ang kanilang nag-uumapaw na galit sa rehimen.
Nakaatang sa balikat ng mga progresibo at demokratikong pwersa ang responsibilidad na tipunin ang galit na ito ng taumbayan at bigyang-hugis ito bilang isang makapangyarihang sandata ng pagbabago. Dapat nilang abutin ang milyun-milyong mamamayan naghahanap ng gabay at liwanag sa daang dapat tahakin para ipagtanggol ang kanilang interes at kapakanan. Dapat pangibabawan ang mga paghihigpit ng lockdown at pasistang paghahari upang isagawa ang malawakang kampanya ng pagmumulat, pag-oorganisa at pagpapakilos sa masa.
Pilit na pinagwawatak-watak ng rehimeng Duterte ang taumbayan gamit ang panlilinlang, kasinungalingan, pananakot at karahasan. Dapat itong tumbasan ng walang kapagurang pagkilos upang pagkaisahin ang mga kabataan, mga manggagawa, magsasaka, mga maralita, kababaihan, mga nars at duktor, mga guro at iba pang karaniwang mga kawani. Dapat pagbigkisin ang iba’t ibang sektor upang ipamalas sa lahat ng pagkakataon ang malawak na poot sa kasalukuyang krisis na kagagawan ni Duterte at kanyang mga alipures.
Dapat maging handa sa mabilis na pumipihit o nagbabagong sitwasyon at sunggaban ang lahat ng pagkakataon na tipunin ang lakas ng laksa-laksang libong mamamayan sa lansangan at ihanay ang pinakamalawak na pwersa para makipagtuos sa kurakot, palpak, traydor at pasistang rehimen.
Bilang tanglaw, dapat ituro ng Partido na sa isang panig, ang laganap at sistematikong korapsyon sa gubyernong Duterte ay ibayong nagpapalala sa krisis, paghihirap at pagdurusa ng mamamayan. Sa kabilang panig, tanda rin ito ng di malutas-lutas at palubha nang palubhang krisis ng naghaharing sistema na mawawakasan lamang sa pamamagitan ng armadong rebolusyonaryong pagbabagsak sa reaksyunaryo, papet at burukrata-kapitalistang estado.