Ka Parts Bagani, Pulang mandirigma at artista ng bayan

,

Walang kalaban-labang pinatay ng pinagsanib na pwersa ng 5th Special Forces Battalion at lokal na pulis si Jhon Niebres Peñaranda, mas kilala bilang Parts Bagani, 54, upisyal ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) sa Southern Mindanao Region, at bantog na rebolusyonaryong artista, sa Barangay Cannery Site, Polomolok, South Cotabato noong Agosto 16. Hindi armado at wala siya sa katayuang lumaban.

Kilala sa loob at labas ng rebolusyonaryong kilusan si Ka Parts bilang nangungunang rebolusyonaryong pintor at dibuhista na nakabase sa BHB. Nagmula siya sa uring petiburges pero inialay niya ang buong buhay at talino sa pagtatanggol sa masang inaapi. Habang tangan ang armalayt, sa gawaing militar at gawaing masa, lumilikha siya ng mga obra na sumasalamin sa paghahangad ng sambayanan na lumaya mula sa pang-aapi, pagsasamantala, gutom at kahirapan at para sa pambansa at panlipunang paglaya.

Habang nakilala sa kanyang mga obra bilang rebolusyonaryong artista, sa pangunahin, si Ka Parts ay isang mandirigma at kadreng militar ng BHB. May mayaman siyang karanasan sa pakikidigma, sa mga pagsulong at pag-atras, sa pangunguna sa mga taktikal na opensiba at sa pag-aaral ng sining ng digma. Ikinukunot niya ang kanyang noo sa pagbubuo ng mga hakbang para ibayong itaas ang kakayahan ng BHB at ng mga Pulang mandirigma sa armadong pakikibaka.

Ang kanyang kaalaman sa pagdidibuho ay ginagamit niya sa pagkrokis ng mga plano sa mga taktikal na opensiba. Hindi matatawaran ang kanyang mga ambag sa pagsusulong ng armadong rebolusyon sa rehiyon ng Southern Mindanao at sa ibang bahagi ng Mindanao.

Ka Parts Bagani, Pulang mandirigma at artista ng bayan