Ang makitid na subsektor ng eletroniks at elektrikal sa Pilipinas

,

Noon pang 2021 iginiit ng mga manggagawang Pilipino sa subsektor ng elektroniks at elektrikal (E&E) na ipatupad ng mga kapitalista ang mga hakbang para sa ligtas na pagtatrabaho at ibigay ang mga benepisyo na nararapat sa kanila. Ipinanawagan nilang isabatas ang libreng pagbabakuna at bayad na pagliban sa panahon ng pandemya. Tulad ng ibang sektor ng pagmamanupaktura, idineklarang “esensyal” ang industriyang E&E, at sa gayon ay obligadong pumasok sa mga pabrika ang mga manggagawa nito kahit sa gitna ng pagragasa ng bayrus.

Malaki ang iniaasa ng lokal na ekonomya sa subsektor ng E&E. Binubuo nito ang bulto ng mga eksport ng bansa sa usapin ng halaga. Ito ang sektor na may pinakamalaking bahagi sa gross domestic product. Ito ay sa kabila nang pakitid at pabagsak na padron nito ng pag-unlad. Dominado ito ng mga dayuhang kumpanya. Ang sektor na ito ay hindi nakadugtong sa anumang lokal na industriya.

Hindi signipikanteng kontribyutor sa pandaigdigang kalakalan ng E&E ang Pilipinas. Nasa 1% lamang ang bahagi nito sa pandaigdigang industriya ng semiconductor, ang mayor na produkto ng bansa. Ang pabagsak na padron ng paglago nito ay nagsimula noon pang 2007, at hindi na nakabangon mula nang inilipat ng kumpanyang Intel ang mga operasyon nito tungong Vietnam noong 2009. Mula sa 70% na bahagi nito sa kabuuang eksport noong 2001, nasa 43% na lamang ito sa 2012, at 55% sa 2019. Lumiit din ang bahagi nito sa GDP mula 15.58% noong 2010 tungong 9.8% sa 2018.

Sa pangunahin, nakatuon ang E&E sa bansa sa pag-aasembol at testing ng mga integrated circuit, pangunahin ng mga analog semiconductor. Sa buong proseso ng produksyon ng mga semiconductor, ito ang pinaka-manwal o nangangailangan ng lakas paggawa. Walang pagmamanupaktura ng mga produkto mula sa hilaw na materyales o paglikha ng anumang pyesa. Wala ring ginagawang pananaliksik at pagpapaunlad at di signipikante ang pagdidisenyo at ibang prosesong may mataas na dagdag-halaga.

Halos lahat ng mga kumpanya sa E&E ay pagmamay-ari o nakasuso sa multinasyunal mga kumpanya at nakaasa sa dayuhang kapital. Bahagi ito ng pandaigdigang assembly line ng mga kumpanyang US, Japan at South Korea. Kumukuha ito ng mga pyesa sa China, US at Japan. Kabilang sa dayuhang kumpanya na may operasyon sa bansa ang SMNI Electronics, Texas Instruments, Samsung, NXP at Toshiba. Ang tanging ugnay ng mga ito sa lokal na mga industriya ay ang kinukuha nitong materyal para sa pagpapakete ng mga pyesa.

Sa gayon, walang sariling buhay ang E&E sa Pilipinas labas sa galaw ng pandaigdigang kalakalan. Nitong nakaraang mga taon, apektado ito ng pandaigdigang kakulangan ng suplay ng semiconductor. Sa pagragasa ng pandemyang Covid-19, apektado ito ng mga kasalatan ng materyales, pagsasara ng mga hangganan at krisis sa internasyunal na transportasyon.

Maliit lamang ang E&E sa Pilipinas. Mayroon lamang 259 na kumpanya na sangkot sa elektroniks, ang pinakamalaking seksyon ng subsektor. Wala pa itong 1% sa kabuuang bilang ng mga establisimyento sa bansa. Dahil nangangailangan ng malaking pwersa ng paggawa ang mga operasyon nito, nag-eempleyo ito ng humigit-kumulang 344,450 manggagawa o halos 12% sa lahat ng mga manggagawa sa pagmamanupaktura. Nakakonsentra ang mga pabrika nito sa National Capital Region at mga export processing zone sa Southern Tagalog, Central Luzon at Central Visayas.

Dahil sa pangunahin ay pag-aasembol at testing lamang ang ginagawa sa bansa, mababa ang dagdag-halaga ng mga produktong E&E sa Pilipinas. Umaabot lamang sa 10% ang dagdag-halaga sa minamanupakturang elektroniks, mas mababa kumpara sa dagdag-halaga sa pagmamanupaktura ng mga inumin.

Hindi rin “high-margin” o pwedeng pagkakitaan ng malaki ang mga produktong elektroniks sa Pilipinas. Mababa rin ang potensyal ng buong subsektor para sa “upgrading” o pagpapaunlad.

Ang 80% sa mga manggagawa sa subsektor na nasa “produksyon” ay may mababa hanggang katamtamang kasanayan. Marami sa kanila ay gumradweyt ng elementarya at hayskul o sa mga eskwelahang bokasyunal-teknikal. Maliit na porsyento lamang ang iniempleyo nitong may mataas na kasanayan tulad ng mga inhinyero.

Sinasamantala ng mga dayuhang kumpanya sa subsektor ang malawak na suplay ng mga manggagawang walang trabaho sa bansa. Malaking pakinabang din sa mga ito ang mga insentiba at paglilibre sa buwis sa loob ng mga export processing zone na tumatagal nang hanggang 10 taon. Kabilang ang mga kumpanya sa E&E sa mga nagtutulak na lalupang ibaba ang buwis ng mga korporasyon.

Ang makitid na subsektor ng eletroniks at elektrikal sa Pilipinas