Barikada laban sa pangangamkam ng lupa para sa ekoturismo

,

Muling napigilan ng mga residente ng Barangay Patungan (ngayo’y Sta. Mercedes) sa Maragondon, Cavite ang tangkang demolisyon sa kanilang komunidad noong Enero 13 ng mga pulis, sundalo at pribadong maton na kasabwat ng malalaking kapitalistang Virata at Sy. Ilang taon na silang naninindigan laban sa pangangamkam ng lupa para bigyan-daan ang ekoturismo at malaking negosyo.

Tatlo ang nasugatan at anim, kabilang ang isang buntis, ang iligal na inaresto ng mga pulis at sundalo sa marahas na pagbuwag sa barikada ng mga residente. Higit 1,000 elemento na bumubuo sa tim pangdemolisyon ang sumugod sa barangay at makailang-ulit na nagpaputok ng baril.

Nagpaabot ng suporta ang iba’t ibang organisasyong masa sa laban ng Barangay Patungan at kagyat na nanawagan ng imbestigasyon at interbensyon sa lokal na gubyerno at mga ahensya.

Laban Patungan!

Ang Barangay Patungan ay nasa baybay-dagat na tirahan nang may 1,200 residente (higit 350 pamilya) na pangunahing nakaasa sa pangingisda at pagsasaka. Ayon sa mga residente, higit 150 taon at ilang henerasyon na ng kanilang pamilya ang nanirahan dito.

May kabuuang sukat na 602 ektarya at napapaligiran ng mayaman at kaaya-ayang kabundukan at karagatan ang Barangay Patungan. Ito ang rason kung bakit kinakamkam ng sabwatang MTV Realty Corporation, pag-aari ni Maria Theresa Virata, at Manila Southcoast Development Corporation (MSDC) ng pamilyang Sy, ang naturang lupain.

Noon pang 2012 unang nanghimasok ang MTV Realty Corporation sa barangay at inangkin ang lupa kahit wala itong ipinakitang titulo. Nagtayo ng mga kalsada ang kumpanya at inangkin ang mga kabundukan sa palibot nito. Sa parehong taon, nagpakat ng pribadong mga maton sa bungad ng barangay para kontrolin ang kilos ng mga residente.
Nasa 600 pamilya ang orihinal na naninirahan sa Patungan pero matapos ang 2012 ay nangalahati ito dahil sa pananakot, panloloko, sapilitang demolisyon at pagpapalikas sa mga residente. Ang relokasyong inialok ng lokal na pamahalaan ay malayo sa kabuhayan ng mga residente at kailangan bayaran kada buwan.

Noong 2014, napabalita rin na idedemolis ang paaralan sa elementarya at hayskul ng barangay para bigyang-daan ang mga proyektong ekoturismo. Taong 2016 ay nagtangka na ring marahas na idemolis ang mga bahay na nakatirik sa lugar.

Patuloy na binibigo ng Save Patungan Now Movement ang mga atakeng ito at pinalalakas ang pagkakaisa ng mamamayan ng Patungan para lumaban.

Pakikibaka sa Hacienda Looc

Ang pang-aagaw ng lupa sa Barangay Patungan ay karugtong ng itinayong Hamilo Coast, na pag-aari ng pamilyang Sy, sa Hacienda Looc sa Nasugbu, Batangas. Itinayo ng MSDC ang mga beach, pook-pasyalan at kondominyum sa lugar na nagpalayas sa libu-libong magsasaka.

Ang lupain ng Hacienda Looc ay sinaklaw ng repormang agraryo ng reaksyunaryong gubyerno noong 1990 na namahagi sa mga magsasaka ng aabot sa 5,218 ektarya ng kabuuang 8,650 ektarya ng Hacienda Looc. Ngunit noong 1994, ibinenta ng gubyerno ang asyenda sa MSDC kahit sinaklaw ito ng repormang agraryo. Umaabot sa 10,000 magsasaka at mangingisda ang nakasalalay sa lupain, karagatan at mayamang rekurso ng asyenda.

Binibigkis ng Ugnayan ng Mamamayan Laban sa Pangwawasak ng Kalupaan sa Hacienda Looc ang paglaban ng mga komunidad simula dekada 1990. Naglunsad ito ng mga karaban tungong Maynila, mga piket at barikada at nakipagbuno sa ligal na laban sa Department of Agrarian Reform at mga ahensya ng gubyerno.

Umani ng malawak na suporta ang paglaban ng Hacienda Looc. Sinuportahan sila ng mga relihiyoso, mga estudyante mula Maynila at iba pang sektor.

Bilang pagtatanggol sa mga magsasaka at mangingisda, dinisarmahan ng Bagong Hukbong Bayan ang mga armadong maton ng itinayong resort ni Henry Sy sa Hacienda Looc noong Enero 2017. Nasamsam sa dalawang reyd ang 42 armas.

Barikada laban sa pangangamkam ng lupa para sa ekoturismo