Pasista at katangahan ang mga pagbabawal sa mga di bakunado
Nangdidiskrimina, pasista, pahirap at higit sa lahat, walang kwenta at katangahan ang mga patakarang nanggigipit sa mga di pa bakunado. Tahasang ipinagbawal ng magkakaugnay na mga patakaran na “no vax, no labas,” “no vax, no ride,” “no vax, no entry,” at iba pa na nagbabawal sa pagkilos ng malaking bahagi ng populasyon at nagkakait sa kanila ng kanilang mga batayang karapatan at serbisyong panlipunan.
Noong Enero 11, nasa 48.45% pa lamang ng target na populasyon (70%) ang bakunado ng dalawang dosis at 75% ang naturukan ng isang dosis.
Ipinataw ni Duterte ang mga patakaran laban sa mga di bakunado para itago ang kapabayaan ng kanyang rehimen sa sektor ng kalusugan at kapalpakan ng pangkalahatang tugon nito sa pandemya. Ikinukubli ng hakbang na ito ang pagtanggi ng rehimen na balikatin ang gastos sa mass testing, contact tracing, pagpapaunlad sa mga pasilidad sa kalusugan, paggamot sa mga nahawa at pagbigay ng ayudang pangkabuhayan sa milyun-milyong naghihirap na mamamayan.”
Noong Enero 15, nagprotesta ang mga myembro ng Bayan-Panay sa harap ng city hall ng Iloilo City para batikusin ang inilabas ng lokal na gubyerno na ordinansa na nagpatupad sa iligal at kontra-mamamayang patakarang “no vax, no labas” ni Duterte. Ipinagbawal ng mga upisyal dito ang paglabas ng di bakunado liban kung makapagpapakita sila ng negatibong RT-PCR test na kinuha sa nakalipas na tatlong araw.