Sa Kazakhstan, Chile at India: Sigaw para sa nasyunalisasyon ng mga industriya, umaalingawngaw
Dumaluyong noong nagdaang mga linggo ang malawakang mga protesta sa tatlong bansa para itulak ang nasyunalisasyon ng mga susing industriya at labanan ang patakaran ng pribatisasyon. Pinakamalaki rito ang pag-aalsa ng mamamayan sa Kazakhstan para tutulan ang pagsirit ng presyo ng langis at itulak ang pagsasabansa ng dayuhang mga kumpanya sa langis. Ang mga protesta sa Chile at India ay nakatuon naman laban sa pribatisasyon ng mga minahan at mga bangko.
Natural gas, langis sa Kazakhstan
Sumiklab noong Enero 2 at nagpapatuloy ang mga protesta ng puu-puong mamamayan sa Kazakhstan para tutulan ang pagsirit ng presyo ng langis kasunod ng pagtanggal ni Pres. Kassym-Jomart Tokayev ng kontrol sa presyo ng liquefied petroleum gas. Panawagan ng mga raliyista ang nasyunalisasyon ng mga minahan ng langis at natural gas na dominado ngayon ng mga multinasyunal na mga kumpanya, pangunahin ng US.
Ang pagkilos na sinimulan ng mga manggagawa sa mga minahan ng langis ay lumaganap sa halos lahat ng sentrong syudad at bayan sa bansa. Hindi na lamang pagpapababa sa presyo ng natural gas ang kanilang panawagan, kundi pati na ang pagbibitiw ng mga upisyal ng gubyerno. Iginiit din nila ang pagtatanggal sa pulitikal na kapangyarihan ng dating diktador na si Nursultan Nursultan Nazarbayev, na anila’y patuloy na namamayagpag sa bansa sa kabila ng pagbaba niya sa pwesto noong 2019 matapos ang halos tatlong dekada ng kanyang diktadura. Si Nazarbayev ang nagtulak ng pribatisasyon ng mga kumpanya ng langis noong dekada 1990.
Sa buong mundo, ang Kazakhstan ang ika-12 may pinakamalaking reserba ng langis (30 bilyong bariles), at ika-15 sa natural gas (85 trilyong cubic feet). May kapasidad ito na magprodyus ng 1.8 milyong bariles kada araw at 1.5 milyong cubic feet ng natural gas kada taon. Nakaasa sa pagmimina ng langis at natural gas ang ekonomya ng bansa, ngunit hindi ito buung-buo na napakikinabangan ng mamamayan. Napakaliit na lamang ng sapi ng KazMunaiGas, kumpanyang pag-aari ng estado, sa pangunahing mga kumpanyang nagmimina ng naturang rekurso sa bansa. Ang pinakamalaking kumpanya sa langis sa bansa na Tengizchevroil ay 70% kontrolado ng multinasyunal na mga kumpanyang US na Chevron (50%) at ExxonMobil (25%), habang 10% lamang ang sapi rito ng Kazakhstan. Gayundin, 10% lamang ang sapi nito sa Karachaganak Petroleum Operating.
Pagmimina sa Chile
Humugos sa lansangan ng Santiago, kabisera ng Chile, ang mamamayan noong Enero 7 para tuligsain ang pagratsada ni Pres. Sebastián Piñera sa mga kontrata para itodo ang pribatisasyon ng pagmimina ng lithium sa bansa, dalawang buwan bago siya bumaba sa poder. Nilabanan nila ang pagbigay ni Piñera sa dalawang pribadong kumpanyang Chinese at Chilean ng 20-taong kontrata sa pagmimina 160,000 tonelada ng lithium. Ang lithium ay isa sa mga pangunahing mineral na rekurso ng bansa, at ginagamit sa paggawa ng baterya, kabilang na ng mga de-kuryenteng mga sasakyan at mga gadyet.
Kabilang sa mga panawagan ng mga Chilean ang nasyunalisasyon ng pagmimina ng lithium. Iginigiit nila na dapat pagsilbihin ito sa pambansang industriyalisasyon imbes na ieksport. Sa buong mundo, ang Chile ang may pinakamalaking reserba ng lithium na katumbas ng 51% (9.2 milyong metriko-tonelada) ng pandaigdigang reserba. Dati nang ipinatupad ang nasyunalisasyon ng pagmimina sa Chile, subalit binaligtad ito ng diktador na si Augusto Pinochet na nagtulak sa pribatisasyon ng industriya noong dekada 1980.
Kabilang sa mga sumusuporta sa panawagan ng nayunalisasyon si Gabriel Boric, na nanalo kamakailan sa pambansang eleksyon sa pagkapangulo at nakatakdang maupo sa Marso. Plano niyang isabansa ang pagmimina ng lithium at magtatag ng isang pambansang kumpanya na direktang mangangasiwa rito.
Pampublikong mga bangko sa India
Umabot sa 900,000 empleyado ng mga pampublikong bangko sa India ang nagwelga noong Disyembre 16 at 17, 2021 para labanan ang Banking Laws (Amendment) Bill 2021 ni Prime Minister Narendra Modi. Nagprotesta ang mga empleyado sa labas ng mga sangay ng mga bangko sa Mumbai, para tuligsain ang planong pribatisasyon ng mga bangko na pagmamay-ari ng estado. Sa kabuuan, plano ng rehimeng Modi na isapribado ang lima sa 12 pampublikong bangko ng bansa.
Sa kasaysayan ng India, ipinatupad ang nasyunalisasyon ng mga bangko noong 1969 hanggang 1980 bilang hakbang para sa pagpapaunlad ng lokal na ekonomya. Ang mga bangkong ito ay pangunahing nagseserbisyo sa mamamayan sa kanayunan. Nagsisilbing pokus nito ang sektor ng agrikultura at maliliit na industriya at negosyo. Kabilang sa mga programa nito ang pagbibigay ng abot-kayang pautang.