Mag-asawang aktibista sa Sorsogon, pinaslang
Tatlong magsasaka ang pinatay at pami-pamilya ang biktima ng iba’t ibang kaso ng karahasan ng armadong mga tauhan ng rehimeng US-Duterte sa nakaraang dalawang linggo.
Sa Sorsogon, binaril at napatay ang mag-asawang sina Silvestre Fortades, Jr., 70, at Rose Marie Galias, 68, ng hinihinalang mga tauhan ng militar sa Barangay San Vicente, Barcelona, noong Enero 15. Mga myembro ng Anakpawis Partylist at Samahan ng mga Magsasaka sa Sorsogon ang mag-asawa.
Bago nito, inaresto at ikinulong noong Disyembre 9, 2021 sa Barangay Sta. Lourdes ng parehong bayan ang karpinterong si Vicente Laguidao matapos paratangang kasapi ng Bagong Hukbong Bayan (BHB).
Napatay naman sa pamamaril ng mga tauhan ng 62nd IB si Arnold Suerte sa Sityo Manlibod, Barangay Sandayao, Guihulngan City noon ding Enero 15. Sugatan at ikinulong ang dalawa pang sibilyang sina James, France, at isang menor de edad. Tinortyur at inaresto rin ang residenteng si Ritchie Sabeleo. Matapos ang krimen, ibinalita ng militar na napatay sa engkwentro si Suerte.
Bago ang insidente, nilusob at iligal na hinalughog ng parehong yunit ng militar ang anim na bahay sa karatig na Sityo Natoling, Barangay Budlasan, Canlaon City. Buong madaling araw na tinakot ng mga sundalo ang mag-anak na Corson at Montefalcon, kabilang ang ilang bata, isang may kapansanan at isang walong-buwang buntis.
Iniulat din ng BHB-Negros noong Enero 16 ang katulad na kaso ng panloloob sa Sityo Tuko Gamay, Barangay Trinidad sa Guihulngan City, at walang habas na pamamaril sa Sityo Mamballo, Barangay Quintin Remo, Moises Padilla sa Negros Occidental.
Sa Bacolod City noong Enero 6, dinukot ng pinaghihinalaang mga elemento ng estado si Joyna Lacio Sabanal sa Fortune Towne, Barangay Estefania. Ang biktima ay asawa ng bilanggong pulitikal na si Roger Sabanal.
Samantala sa Tabuk City, Kalinga, dinakip ng dalawang pulis ang lider-magsasaka na si Domingo Sebastian noong Enero 10 nang alas-8 ng gabi sa Barangay Bulo. Si Sebastian ay manggagawang-bukid na myembro ng Danggayan dagiti Mannalon ti Isabela.
Sa kaugnay na balita, ibinasura noong Enero 3 ng korte sa Bayombong, Nueva Vizcaya ang gawa-gawang kaso laban sa mga aktibista at magsasakang sina Francis Esponilla, Romar Busania at Michael Gatchalian. Arbitraryong inaresto sa isang tsekpoynt ang tatlo noong Mayo 2015 sa Diadi sa parehong prubinsya. Mga myembro sila ng Timpuyog Dagiti Mannalon iti Quirino at Bayan Muna Partylist.