Opensiba ng BHB sa South Cotabato, pagdepensa sa Lumad T’boli
Magkasunod na mga opensiba ang inilunsad ng Bagong Hukbong Bayan (BHB)-Far South Mindanao sa South Cotabato bilang pagdepensa sa mamamayang T’boli na biktima ng karahasang militar ng Armed Forces of the Philippines (AFP).
Inambus ng mga Pulang mandirigma ang nag-ooperasyong yunit ng 38th IB sa Barangay Tudok, T’boli noong Disyembre 31, 2021. Sa paunang ulat, hindi bababa sa pitong sundalo ang napatay at tatlo ang nasugatan.
Sa sumunod na araw, pinaputukan ng BHB ang isang kolum ng 11th Special Forces Battalion (SFB) sa bulubunduking bahagi ng parehong barangay. Limang sundalo ang napatay at dalawa ang nasugatan.
Ipinakat ang mga yunit ng BHB matapos maghulog ng 12 bomba noong Disyembre 30, 2021 nang madaling araw ang militar sa Sityo Busong-Apang. Bumagsak ang mga bomba sa mga sakahan ng Lumad T’boli na ilang metro lamang ang layo sa sentro ng baryo. Binasag nito ang katahimikan sa komunidad at nagdulot ng takot sa mga sibilyan. Matapos nito, nagpakat ang AFP ng mga sundalo mula sa 38th IB at 11th SFB para maghalughog sa naturang lugar.
Kasalukuyang nagpapatuloy ang nakapokus na operasyong militar sa mga barangay sa hangganan ng Kiamba, Sarangani at T’boli, South Cotabato. Ang mga lugar na ito ay saklaw ng mga konsesyon ng 88 Kiamba Mining Development Corporation, Inc. at Kiamba Mining Corporation.