Paglaban ng rebolusyonaryong masa sa mga peste
Itinatangi ni Tay Amag ang sama-samang pagkilos dahil ito ang naging susi sa pag-unlad ng kabuhayan nila sa komunidad. Lider siya ng organisasyon ng Lumad-Mamanwa sa isang larangang gerilya sa Northeastern Mindanao at mahigit limang dekada nang sumusuporta sa rebolusyonaryong kilusan.
Ang kahalagahan ng pagtutulungan at ang gawaing produksyon ang dalawang magkaugnay na aral na naitanim ng mga kasama sa komunidad nina Tay Amag. “Ang mga kasama ang gumabay sa amin sa pagbubuo ng organisasyon upang pagkaisahin ang tribung Mamanwa at mga setler na Bisaya. Sa pamamagitan ng hunglos (bayanihan), naging malawak at produktibo ang aming mga sakahan. Sobra-sobra ang aming kita. Mayroon na kaming pangkonsumo, may naibebenta pa sa bayan,” pag-alala ng matanda.
Kaya naman kahit namerwisyo ang militar ay hindi siya sumurender. Sa halip, patuloy niyang sinusubaybayan ang kilos ng mga sundalong namemeste sa kanilang lugar at tumutulong sa mga gawain ng hukbong bayan.
Kahit humantong sa puntong nalantad na si Tay Amag sa kaaway, tumindig siya sa katwiran at hinarap ang mga sundalong nagpaparatang sa kanya. Sa isang pagkakataon, napag-alaman niyang may ipag-uutos ang mga sundalo na labag sa kanyang kalooban. Tinakasan niya ang mga sundalong sumalikop sa kanyang bahay, at mula noon ay namalagi siya sa gubat kasama ang pamilya. Para makaagapay, nagpatuloy siya sa pagbubukas ng sikretong mga sakahan.
“Ako at ang aking pamilya ay hindi kailanman humiwalay sa rebolusyon,” ani Tay Amag.
Siya at ang kanyang mga kababaryo ay napanday na sa pagrerebolusyon. May mga pamamaraan na sila para maiwasang makapinsala sa mga kasama at sa kapwa kababaryong aktibo sa pagkilos. “Lagi kaming umiiwas laluna ngayon na ang iba naming kasamahan ay hawak na ng kaaway. Nagsisikap kaming hindi matulad sa kanila.”
Malinaw sa kanya ang kontra-magsasakang tunguhin ng militar. “Mula nang dumating ang mga sundalo, nasira at nawala nang parang bula ang lahat ng aming naipundar,” aniya. Nalimitahan ang pagsasaka ng kanyang mga kababaryo dahil sa baluktot na katwiran ng militar na “malawak ang sakahan dahil ipinangtutustos sa hukbong bayan.” Ito ang dahilan kung bakit bumalik sa pagiging atrasado ang buhay nila sa komunidad, paliwanag ni Tay Amag.
Hinimok ni Tay Amag ang kapwa niya mga magsasaka na manatiling matatag at magpunyagi sa gitna ng mga atake ng kaaway. Sa mga kasama sa hukbong bayan, “huwag panghinaan, magpakadalubhasa sa pagbalanse ng mga gawain,” aniya. “Asahan ninyo na lagi ninyo akong kasama,” pangako ni Tay Amag. “Anuman ang pangangailangan, walang pagdadalawang-isip akong magbibigay ng serbisyo sa inyo bilang amag sa kahabjun (tanglaw sa dilim).”
Mga peste sa baryo
Perwisyo rin sa kabuhayan ang hinahanapan ng solusyon ng mag-amang Gudo at Tay Domeng sa kanilang baryo sa isang larangang gerilya sa Southern Mindanao. Noong maagang bahagi ng 2020, dumagsa ang mga daga sa mga maisan, at lalupang nginatngat ng kahirapan at gutom ang kanilang baryo. Ang dating naaaning 25 sako sa tatlong ektaryang maisan ay nagiging dalawang sako na lamang.
Dati’y maagap na naaaksyunan ng taumbaryo ang ganitong mga problema sa produksyon. Sa katunayan, naihanda na ng samahang magsasaka ang kalmas (kalihukang masa o kilusang masa) para singilin ang kawalang-tugon ng naghaharing gubyerno. Kabilang sa iginigiit nila ay ang pagbibigay ng crop insurance at calamity fund, maliban pa sa kampanyang bawiin ang lupa nilang ipinamigay ng gubyernong Duterte sa mga minahan at plantasyon, at sa pagpapalawak ng mga kampo ng militar.
Pero sa kasalukuyang bugso ng peste, napipigilang umaksyon ang mga residente dahil sa presensya ng mga sundalo sa baryo. Nangangamba na ring lumahok maging ang mga taga-karatig baryo. “Lalupang lumaganap ang takot matapos patayin ng mga sundalo ang dalawa naming lider,” pahayag ni Tay Domeng.
Nauunawaan ng mag-ama na nasindak ang taumbaryo sa mga pagpaslang at sunud-sunod at matagalang pag-okupa ng militar sa kanilang komunidad. Pero ayon kay Tay Domeng, mas dapat ipag-alala ang unti-unting pagkamatay dahil sa sobrang gutom, o di kaya’y ang pagkabaon sa utang dahil kapos ang ani dulot ng peste.
“Dapat maunawaan ng organisasyon na hindi wastong ihiwalay ang kalmas sa mais sa kalmas laban sa militarisasyon,” ayon sa kanila. Kabilang sa paglutas sa mga problema kaugnay ng peste ng daga ay ang paghanap ng paraan para malampasan ang mga tsekpoynt at muling makapagtipon ang samahan.