Aktibista, dinukot para takutin at pwersahing maging ahente ng militar
Noong Agosto 29, inihayag ng Cordillera Peoples’ Alliance (CPA) at Cordillera Human Rights Alliance (CHRA) ang sinapit ni Steve Tauli, beteranong aktibista sa Cordillera, na dinukot noong Agosto 20 sa Barangay Appas in Tabuk City, Kalinga. Sa kanyang salaysay, pinilit niyang humulagpos at sumigaw para humingi ng tulong.
Ipinasok siya sa isang itim na van, piniringan at pinosasan. Pinilit ng mga elemento ng estado na pumirma si Tauli sa isang sworn statement na nagsasabing siya ay lider ng Partido Komunista ng Pilipinas at Bagong Hukbong Bayan. Binantaan siyang papatayin kung hindi siya makikipagtulungan.
Ilang oras siyang ipinailalim sa interogasyon kaugnay sa iba pa niyang kasamahan at mga taong may kaugnayan umano siya. Walang tigil siyang siyang sinabihan tungkol sa National Task Force-Elcac.
Matapos ang paulit-ulit na pagbabanta sa kanyang buhay at kanyang pamilya, pumayag si Steve na pumirma sa sworn statement. Binidyuhan ito ng mga militar. Binilinan siyang huwag ireport ang pangyayari at sumunod sa kanyang pinirmahan.
Sa sumunod na araw, Agosto 21, natagpuan si Steve ng kanyang mga kasama malapit sa kung saan siya dinukot. Anila, natagpuan nila si Tauli na tulala at tila gulat pa sa pangyayari.
Dinukot si Tauli sa gitna ng pangangampanya ng CPA-Kalinga laban sa Saltan Dam. Kasalukuyang nakahapag ang apela ng grupo para sa Writ of Amparo sa Cout of Appeals laban sa tumitinding red-tagging at atake sa mga tagapagtanggol ng karapatang-tao.