BHB sa Surigao del Sur, tsinekpoynt ang nag-ooperasyong pulis
Hinarang ng Bagong Hukbong Bayan sa isang tsekpoynt ang sasakyang lulan ng mga elemento Simultaneous Anti-Criminality Law Enforcement Operations (SACLEO) sa Barangay Libas Gua, San Miguel, Surigao del Sur noong Agosto 30. Subalit sa halip na huminto, nagpaputok at kumaripas ng takbo ang mga pulis.
Ani Ka Sandara Sidlakan, tagapagsalita ng BHB-Surigao del Sur, nagtayo ng tsekpoynt ang BHB upang hadlangan ang mga SACLEO operations na balak ilunsad ng Tago Municipal Police laban sa mga sibilyan. Ang SACLEO ay modus operandi ng mga armadong ahente ng estado para maghasik ng lagim sa mga komunidad, maglunsad ng mga iligal na pag-aresto at/o pagpaslang sa pamamagitan ng pagtatanim ng mga baril o bala, at manakot o mangikil sa mga sibilyan.
Sa inisyal na ulat, itinayo ng BHB ang tsekpoynt noong 11:00 ng umaga. Una nitong namataan ang isang elemento ng 75th IB na lulan ng isang motorsiklo, na tumalilis nang makita ang mga Pulang mandirigma. Sa taranta, sumemplang ang motor ng sundalo. Sa takot, binitbit niya ang isang bata habang tumatakbo upang gawing panangga.
Kasunod nito’y ang isang kotse kung saan nakasakay ang mga operatibang paniktik ng Tago Municipal Police Station. Habang patawid ng tsekpoynt ay nagpaputok umano ito at mabilis na nagpatakbo.
“Humarurot ang sasakyang ito at pinaputukan ang mga kasama habang pinapara sila, kaya gumanti na rin ng putok (ang mga kasama). Ang gilid ng sasakyan at ang gulong ang tinamaan,” saad ni Ka Sandara. Agad na bumaba at kumaripas patungo sa mataas na bahagi ang mga pulis na lulan ng sasakyan nang makalampas sa tsekpoynt.
Paliwanag pa ng tagapagsalita, hindi na hinabol ng mga Pulang mandirigma ang sasakyan upang di madamay ang mga sibilyan sa lugar.
Ayon sa BHB-Surigao del Sur, nawa’y magsilbing babala ito sa mga kapulisan na naglulunsad ng SACLEO. Ang aksyong militar na ito, anila, ay tugon sa panawagan ng mga biktima nila para sa hustisya.
Ang mga operasyong SACLEO ay maihahalintulad sa Oplan Sauron o Synchronized Enhanced Management of Police Operations o SEMPO na inilunsad sa Negros at Panay noong 2020-2021.