Usapang pangkapayapaan, isinusulong sa Senado at Kongreso

Naging usap-usapan nitong linggo ang pagbubuhay muli ng usapang pagkapayapaan sa pagitan ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP) at Government of the Philippines (GRP). Ito ay matapos sagutin ni Sen. Loren Legarda ang panukala ni Sen. Francis Tolentino na dapat isiwalat ng sinumang upisyal ng gubyerno kung mayroon siyang kamag-anak na myembro ng “teroristang” mga organisasyon. Naganap ang sagutan sa Senado noong Agosto 30, Pambansang Araw ng mga Bayani.

Ipinanukala ni Tolentino ang pwersahang pagpapangalan ng mga upisyal pampubliko ng kanilang mga kamag-anak na “terorista” hanggang pang-apat na antas ng consanguinity kasabay ng pagsasapubliko ng kanilang mga SALN (statement on assets, lialibities and networth). Ito ay matapos iligal na arestuhin ang nakatatandang kapatid ni Prospero de Vera, pinuno ng Commission on Higher Education, na si Adora Faye de Vera noong Agosto 24.

Dali-daling ipinahayag ni Prospero na “buo” ang kanyang suporta sa rehimeng Marcos at sa kampanyang “kontra-insurhensya” nito bilang pagdistansya sa kapatid. Si Adora Faye, simbolo ng paglaban sa batas militar at bantog na makata at aktibista, ay sinampahan ng gawa-gawang mga kaso at nakakulong ngayon sa Calinog, Iloilo.

Bilang sagot, sinabi ni Legarda na wala siyang ikinahihiya sa matagal na niyang pakikipagtulungan sa NDFP laluna sa larangan ng peace talks. Aniya, wala siyang nakikitang batas o pahayag ang gubyerno na nagdedeklarang ang Partido Komunista ng Pilipinas o mga katulad na organisasyon, kilusan, paniniwala, assosasyon ay maaari nang ideklarang mga “kaaway ng estado” at na kung titingnan at pag-aaralan ang mga paniniwala at iginiit ng mga ito, “ito ang panlipunang hustisya.”

Sa kanyang presentasyon, sinabi ni Legarda na umaasa siyang muling mabubuhay ang usapang pangkapayapaan para “mapagtulungan” ang pagkakamit ng “dagdag na pagkakapantay-pantay, kapayapaan at tunay na mga reporma sa kanayunan.” Inirehistro din niya ang kagustuhang repasuhin ng Senado ang Anti-Terror Law.

Sa kongreso, sinuportahan ni House Deputy Minority Leader at ACT Teachers Representative France Castro ang panawagan ni Legarda para sa muling pagbubukas sa usapang pakapayapaan. Ipinanawagan din niya na itigil na ang pangrered-tag sa oposisyon.

“Sinusuportahan namin ang panawagan ni Senator Loren Legarda para sa muling pagbubukas ng usapang pangkapayapaan laluna’t ang Comprehensive Agreement on Social Economic Reforms and kasunod sa adyenda at makamit natin ang komun na layunin na tugunan ang kahirapan at makamit ang pangmatagalan at makatarungang hustisya,” ani Castro.

Tinanggihan rin ng kongresista ang panukala ni Tolentino na obligahin ang mga upisyal ng gubyerno na isiwalat kung meron silang mga kamag-anak ng myembro ng mga “teroristang organisasyon.” Aniya, labag ito sa mga pribasiya ng mga indibidwal dahil ang impormasyong ito ay walang kinalaman sa kanilang mga trabaho.

Ayon sa Karapatan, liban sa labag ito sa pribasiya, ang panukala ni Tolentino ay magdudulot lamang ng panibagong pang-aabuso sa karapatan sa due process, kalayaan sa pag-iisip o opinyon at pambabanta sa buhay at seguridad ng mga kawani sa gubyerno at kanilang mga pamilya.

“Ang isinusulong ni Sen. Tolentino ay isang crackdown sa mga upisyal at empleyado sa pampublikong sektor at kanilang mga kamag-anak, alinsunod sa napakakwestyunable, malabo at arbitraryong depenisyon ng terorismo sa ilalim ng ating mga batas,” pahayag ni Tinay Palabay, secretary general ng Karapatan.

Nagpahayag rin ng pagkalugod ang grupong Karapatan sa tulak na repasuhin ang Anti-Terror Law.

AB: Usapang pangkapayapaan, isinusulong sa Senado at Kongreso