Lider-aktibista sa Central Luzon, pansamantalang nakalaya

,

Nakalaya na kagabi and lider aktibista sa Central Luzon na si Pol Viuya matapos ang isang taong pagkakakulong. Si Viuya ang tagapangulo ng BAYAN-Central Luzon at ikalawang tagapangulo ng Kilusang Mayo Uno.

Inaresto siya noong Marso 30, 2021 sa gawa-gawang kasong illegal possession of firearms and explosives ng mga elemento ng estado. Nakalaya si Viuya matapos payagan ng korte na magpiyansa sa halagang P100,000.

Ito ay matapos kwestyunin ng korte ang salaysay ng umarestong mg pulis na natagpuan nila ang granada sa tahanan ni Viuya. Ayon sa korte, “walang sinumang nasa matinong pag-iisip ang maglalagay ng granada sa hindi ligtas na lugar kung saan maaari itong aksidenteng sumabog.”

Inaresto rin noon kasabay ni Viuya si Joseph Canlas, noo’y pinuno ng Alyansa ng mga Magsasaka sa Gitnang Luzon. Namatay si Canlas sa loob ng piitan matapos pagkaitan ng nararapat na atensyong medikal ng PNP-Tarlac nang magkasakit ng Covid-19.

Sa kanyang paglabas sa bilangguan, nangako si Viuya na itutuloy niya ang pagtatanggol sa mamamayan.

Itinuring ni Edward Ellorenco ng Workers’ Alliance Region 3 na tagumpay ang pagsamantalang paglaya ni Viuya. Gayunpaman, kailangang igiit ang ganap na pagbasura sa mga kasong niya at sa iba pang mga bilanggong pulitikal. Nanawagan din si Ellorenco papanagutin ang mga Marcos at si Duterte sa kanilang mga kasalanan sa mamamayan.

AB: Lider-aktibista sa Central Luzon, pansamantalang nakalaya