Pagbabawas sa badyet pang-ayuda, inalmahan
Umalma ang iba’t ibang grupo sa pagkaltas ng rehimeng Marcos sa badyet para sa ayuda sa darating na taon. Sa pagdinig sa Kongreso kaugnay dito noong Agosto 30, tinawag ng kalihim ng Department of Finance na si Benjamin Diokno na “waste of public funds” o pagwawaldas ng pampublikong pondo ang pagpapatuloy ng programang pag-aayuda na ipinatupad sa ilalim ng dalawang taong pandemya.
Binawasan ng ₱49.1 bilyon o 8.7% ang mga pondo para sa social protection (pangangalagang panlipunan), kabilang ang ayuda, sa pambansang badyet para sa 2023. Pinakamalaki ang kaltas sa badyet para sa mga pamilya at bata, ayuda sa mga walang trabaho at pabahay. Ang mga kaltas sa mga aytem na ito ay hindi nabawi sa maliliit na pagtaas sa badyet para sa 4Ps, sa mga lugar na may armadong sigalot, pensyon sa mga senior at para sa mga maysakit at kapansanan.
Ayon sa grupong Pamalakaya, ang ₱489 milyong subsidyo na nakalaan para sa mga mangingisda ay sapat lamang sa 32,600 mamamalakaya na nangangailangan ng minimum na ₱15,000 ayuda.
“Napakaliit na bilang nito kumpara sa mahigit dalawang milyong rehistradong mangingisda sa buong bansa” ayon sa pambansang tagapagsalita ng grupo na si Ronnel Arambulo. Ayon sa grupo, ang tunay na pag-aaksaya ng pondo ng mamamayan ay ang pagpapasweldo sa walang pakialam na mga upisyal na gubyerno.
Sa Kongreso, tinawag ni ACT Teachers Party-list Rep France Castro na “kontra-mahirap” ang pahayag ni Diokno.
“Mukhang ang konsepto niya (Diokno) ng pagiging fully-recovered mula sa pandemya ay ang pagtanggal sa mga lockdown at di niya isinama ang lumalaking bilang ng mga walang trabaho, ang nagtataasang presyo ng batayang produkto at serbisyo, at ang 19.9 milyong mahihirap na (pamilyang) Pilipino,” aniya.
Ayon sa Ibon Foundation, ipinamamalas ng rehimeng Marcos Jr ang kawalang-puso nito sa milyun-milyong Pilipino naghihirap resulta ng 2-taong mapangwasak na lockdown ng estado. Anito, hungkag ang pinagsasabing “recovery” ng mga upisyal ng gubyerno sa harap ng bumabagal na pag-unlad ng ekonomya at pagbagsak ng kabuhayan ng mga Pilipino.
Kabilang sa binanggit ng Ibon ang pagkitid ng gross domestic prodcut sa pangalawang kwarto ng taon, kawalan ng impok ng 7 sa bawat 10 pamilya, mataas na tantos ng disempleyo at nakapakong minimum na sahod.
Muling iginiit ng grupo ang pangangailangan para sa ₱1.5 trilyong pondong pampasikad para iangat ang kabuhayan ng nakararaming Pilipino, pigilin ang pagbagsak ng ekonomya at pasikarin ang pag-unlad nito.