Bagong panukalang Anti-Subversion Law, mangmang sa batas

,

Inilarawan ni Edre Olalia, tagapangulo ng National Union of People’s Lawyers bilang makitid at mapaniil na hakbang ang panukalang batas na magbabalik sa Republic Act No. 1700 o ang Anti-Subversion Law. Isinusulong ito ngayon ng Duterte Youth Partylist, ang huwad na partido ng kabataan.

Ang Anti-Subversion Law ang ginamit ng diktadurang Marcos bago at sa panahon ng batas militar para isagawa ang malawakan at walang pakundangang pang-aaresto, detensyon, tortyur at pamamaslang. Sa ilalim nito, idineklara ng reaksyunaryong estado na iligal ang Partido Komunista ng Pilipinas at kriminal ang lahat ng myembro at mga pinaghihinalaang mga myembro nito. Ipinawalambisa ito noong 1992 ng rehimeng Ramos.

“Mangmang” sa mga tuntunin at pamantayan ng batas ang panukalang isinusulong ng Duterte Youth, ayon kay Olalia. Puno ito ng mga probisyong labag sa konstitusyon, partikular kaugnay sa nararapat na proseso at pagtitiyak ng batayang kalayaan ng mga indibidwal.

“Isa ito krudong pagtatangkang ikutan ang mga evidentiary rule at standard,” aniya. Binibihisan lamang nito ng legalidad ang talamak na pangreredtag at pinalalawak ang saklaw ng mapaniil na Anti-Terror Law.

Dati nang itinulak ni Department of Interior and Local Government Secretary Eduardo Año ang muling pagkakaroon ng batas kontra subersyon. Mismong si Department of Justice Secretary Menardo Guevarra at Senate Minority Leader Franklin Drilon ang tumutol sa pagtatangkang ito ni Año noong 2019.

Ayon kay Guevarra, hindi krimen ang pagiging myembro ng PKP. Ayon naman kay Drilon, matagal nang ibinasura ang batas dahil madali itong abusuhin at lumalabag sa mga karapatan ng indibidwal.

AB: Bagong panukalang Anti-Subversion Law, mangmang sa batas