Protesta ng manggagawa sa Araw ng mga Bayani, ikinasa
Sa Araw ng mga Bayani ngayong araw, nagpiket-protesta ang mga manggagawa ng Pambato Cargo Forwarder, Inc. sa harap ng kumpanya sa Dimasalang Street, Sampaloc, Manila para igiit ang pagtaas ng sahod, espasyo para sa General Membership Assembly (GMA), regularisasyon at iba pa. Pinamunuan ang protesta ng mga unyonista ng Pambato Cargo Federation Labor Union (PAMBATU).
Ayon sa talumpati ng isang manggagawa ng PAMBATU, “Nagpapasalamat ako nang malaki dahil nakarating ang ating mga kasamang manggagawa, para ipagdiwang ang araw na ito … at ang pagkakaisa natin para sa sahod, trabaho at karapatan.”
Inihayag niya ang mga naging paglabag sa karapatan sa paggawa ng naturang kumpanya kabilang ang hindi pagbibigay ng sapat na kumpensasyon sang-ayon sa napagkasunduan ng unyon at maneydsment sa kanilang nagdaang mga Collective Bargaining Agreement (CBA). Inilatag din niya ang kawalan ng espasyo para sa asembleya ng unyon, mga usapin sa alawans, uniporme at mga pasilidad para sa unyon.
Ang unyong PAMBATU ay itinatag noong 1986. Kabilang ito sa pederasyong Labor Alliance for National Development (LAND) na kaanib ng Kilusang Mayo Uno.
Ang kumpanya ay nasa industriya ng pagdedeliber at cargo shipping. Itinatag ito noong 1979 at kasalukuyang mayroong apat na mayor na sentro sa Luzon at higit 15 sangay sa Visayas at Mindanao. Tinatayang higit 800 ang mga manggagawa ng kumpanya.
Dumalo at nakiisa sa protesta ang mga manggagawa mula Manila North Harbor, Inc., at mga kabataan mula sa grupong Anakbayan.
Sa talumpati ng kinatawan ng Anakbayan, kinilala niya ang kabayanihan ng mga manggagawang Pilipino na siyang nagpapatakbo sa ekonomya ng bansa.
Samantala, ngayong araw din, nag-alay ng bulaklak ang mga manggagawang kabilang sa All Workers Unity (AWU) sa Liwasang Bonifacio sa Lawton, Manila para kilalanin ang bayani ng uring manggagawa na si Gat Andres Bonifacio.
Inihayag ni Elmer “Ka Bong” Labog, isa sa mga kumbenor ng AWU, ang hinaing ng mga manggagawa kabilang ang pagpapatupad ng isang pambansang minimum na sahod, seguridad sa trabaho at pagrespeto sa kanilang karapatan sa pag-uunyon at karapatang-tao.
Nagmartsa din sa Cebu City ang mga manggagawa ngayong araw sa pamumuno ng Alyansa sa mga Mamumuo sa Sugbo-Kilusang Mayo Uno (AMA Sugbo-KMU). Tinawag nila itong “Martsa sa mga Mamumuo para sa Makabuhing Suholan, Regularisasyon, ug Luwas nga Kahimtang sa Panarbaho.”