Dalawang bagong unyon ng mga guro, itinayo sa NCR
Inianunsyo ng panrehiyong balangay ng Alliance of Concerned Teachers (ACT) sa National Capital Region (NCR) ang pagtatatag ng dalawang unyon ng mga guro sa Pasig City at Paranaque City. Ipinaskil ang anunsyo sa Facebook page ng ACT NCR.
Ang ACT ay isang progresibong organisasyon ng mga guro na binuo noong Hunyo 26, 1982 para pagbuklurin ang mga guro, ipaglaban ang pagtataas ng sahod at iba pang kahingian, at ipagtanggol ang demokratikong mga karapatan ng mga guro.
Ayon sa anunsyo, ang bagong unyon ay itinatag sa Manggahan Elementary School sa Barangay Manggahan, Napico, Pasig City. Nagbigay-pugay ang ACT NCR sa isinagawang asembleya ng balangay at pagtatatatag ng unyon na pinangunahan ng ACT Pasig Division.
Itinatag ang unyon noong Agosto 8 sa unang asembleya nito. Dumalo sa pagpupulong ang higit 20 guro na sinundan ng panunumpa ng bagong halal na mga upisyal.
Binati rin ng ACT-NCR ang bagong tatag na unyon sa Col. Edilberto de Leon Elementary School sa Parañaque City.
Ayon sa ACT, ang mga gurong nagbuo ng unyon sa dalawang paaralan ay dagdag sa daan-libong unyonisadong mga guro sa ilalim ng ACT sa buong bansa. Susi ang mga unyon para pagbuklurin ang hinaing at ipaglaban ang karapatan ng mga guro.
Kasalukuyan ipinaglalaban ng ACT ang ligtas na pagbabalik-paaralan at pinapanagot ang Department of Education at Department of Budget ang Management kaugnay ng ₱2.4 bilyong anomalya sa pagbili ng mga laptop.