Drayber ng habal-habal sa Guihulngan City, inaresto at sinampahan ng gawa-gawang kaso

, ,

Inaresto ng pinagsanib na pwersang militar ng 62nd IB at pulis ang drayber ng habal-habal na si Roldan Baydal, 32 anyos, sa kanyang bahay sa Sityo Punong, Barangay Trinidad, Guihulngan City, Negros Oriental kahapon, Agosto 8. Pinalalabas ng mga pulis na nakuha sa kanya ang isang kalibre .38 rebolber, rifle grenade at mga bala.

Si Baydal ay pinararatangang isang “kolektor ng buwis” ng rebolusyonaryong kilusan sa naturang syudad. Pinasok at hinalughog ang kanyang bahay sa bisa ng isang “search warrant” na inilabas ng RTC Branch 102, Guihulngan City na may petsang Agusto 3, 2022.

Sa isang pahayag ngayong araw, pinasubalian ng Bagong Hukbong Bayan (BHB)-Central Negros na kasapi ng hukbong bayan si Baydal. Ayon kay Ka JB Regalado, tagapagsalita ng yunit ng BHB, itinanim lamang ang mga armas para arestuhin si Baydal.

“Layunin ng militar at kapulisan na maghasik ng takot sa lugar,” dagdag pa ni Ka JB. Ipinaliwanag din niya na pamamaraan ito ng 62nd IB at ng 3rd ID sa ilalim ni Maj. Gen. Benedict Arevalo para umani ng medalya at kumubra pabuya.

Ayon kay Ka JB, ang naturang barangay ay bahagi ng mga erya na militarisado ng AFP. Sinasakop din ng mga sundalo ang Barangay Quinten Remo at Barangay Macagahay sa bayan ng Moises Padilla, Barangay Puso sa La Castellana at sityo Tuko, Barangay Trinidad, Guihulngan City. Nagkakampo ang mga sundalo sa pampublikong mga pasilidad ng barangay at maging sa simbahan. Labag ito sa internasyunal na batas ng digma na nagbabawal sa pag-okupa ng mga armadong pwersa sa mga sibilyang pasilidad.

Sunud-sunod ang paglabag sa karapatang-tao ng mga sundalo ng 62nd IB sa isla ng Negros sa nagdaang buwan. Kabilang sa kanilang mga krimen ang pagmasaker sa isang 5-buwang buntis, kanyang 16-anyos na anak at isa pang sibilyang kamag-anak noong Hulyo 26 sa Barangay Trinidad.

AB: Drayber ng habal-habal sa Guihulngan City, inaresto at sinampahan ng gawa-gawang kaso