Estudyante, mga sektor ng UP, nagprotesta kontra bantang kaltas-badyet

,

Naglunsad ng kilos protesta ang iba’t ibang sektor ng University of the Philippines (UP) noong Agosto 25 sa harapan ng Quezon Hall sa UP Diliman, Quezon City, kasabay ng inilunsad na pagpupulong ng Board of Regents sa naturang gusali. Tinututulan nila ang panukalang kaltas-badyet sa UP System sa 2023. Sigaw rin nila ang ligtas na pagbabalik-eskwela at maayos na mga patakaran sa unibesidad.

Dagdag sa mga estudyante, lumahok din sa protesta ang mga residente ng Pook Arburetum, mga gwardya ng kampus, at mga guro’t kawani mula sa UP Manila, UP Los Baños, UP Cebu at UP Iloilo.

Ang panukalang kaltas ay pinakamalaki sa nakaraang 10 taon. Ang inihapag ng Department of Budget and Management (DBM) na ₱23.10 bilyong pondo para sa buong UP System sa 2023 ay mas mababa nang ₱2.54 bilyon kumpara sa badyet ng unibersidad na ₱25.6 bilyon noong 2022.

Kung aaprubahan ang kaltas-badyet, pagkakasyahin ito ng walong unibersidad na bumubuo ng UP system, at iba pang mga institusyong pinatatakbo nito katulad ng Philippine General Hospital (PGH) at Philippine Genome Center.

Liban sa usapin sa badyet, iginiit din ng mga nagprotesta ang panawagan para sa buong pagbubukas ng pamantasan, pagsasaayos ng mga pasilidad sa kampus, at pagbibigay benepisyo sa mga empleyado ng UP. Nanawagan din silang manindigan ang UP laban sa banta ng paglapastangan sa akademikong kalayaan ng unibersidad sa naging sunud-sunod na ‘book purging’ o pagtugis sa mga librong binansagan ng estado na subersibo.

“Kadikit ng ating laban para sa academic freedom ay ang laban ng mga komunidad na nagbibigay buhay sa pamantasan. Maisasabuhay natin ang academic freedom sa isang enabling environment: panatag ang isipan ng mga guro at kawani sa kanilang trabaho, may maayos na hanapbuhay ang mga tsuper at manininda,” pahayag ni Melania Flores, presidente ng All UP Academic Employees Union-National sa protesta.

Nang sumunod na araw, ilampung lider-estudyante ng mga konseho sa buong UP system ang nagprotesta sa UP Los Baños bilang panawagan sa hustisya at kagyat na pagtugon sa pampulitika at ekonomikong krisis na dinadanas ng bansa.

Ang protesta ay isinagawa sa gitna ng inilulunsad na Pangkalahatang Asembleya ng mga konseho ng UP at pagpili nito ng bagong UP Student Regent na kakatawan sa kanila sa Board of Regents. Hinirang ng mga konseho bilang bagong rehente ng mga mag-aaral si Siegfred Severino mula sa UP Los Baños.

AB: Estudyante, mga sektor ng UP, nagprotesta kontra bantang kaltas-badyet