Kasong panunuhol laban kay Sen. de Lima, ibinasura ng Ombudsman

,

Isinapubliko ng upisina ng Ombudsman kahapon, Agosto 10, ang resolusyong nagbabasura sa kasong panunuhol laban kay dating Sen. Leila de Lima at kanyang badigard na si Ronnie Dayan. Ang resolusyon ay nabuo noon pang Enero 5 pero ipinaalam sa upisina ng senador noon lamang Agosto 8.

Ibinasura ng Ombudsman ang kaso dahil sa “malalaking di pagkakatugma” sa mga testimonya laban kay de Lima na inakusahang tumanggap ng ₱8 milyong suhol mula mga drug lord para ipampondo sa kanyang kampanya pagkasenador noong 2016.

Ayon sa resolusyon, nakita ng mga imbestigador na walang “probable cause” para isakdal ang dalawa batay sa mga testimonya ng mga umaming “drug lord” na sina Rolan Espinosa, Ram-Jhan Espinosa at Marcelo Adorco. Nabuo ang resolusyon ilang buwan bago iatras ni Espinosa at ni Rafael Ragos, isa pang “saksi” laban kay de Lima, ang kanilang mga testimonya na nagsasabing sangkot ang senador sa drug trade. Ayon sa dalawa, idinawit lamang nila si de Lima dulot ng panggigipit ng noo’y Justice Secretary Vitaliano Aguirre II.

“Malinaw sa pinakahuling mga kaganapan na gawa-gawa lamang ang mga kaso laban sa akin,” pahayag ni de Lima noong Agosto 10. “Patuloy na nahuhubaran bilang pawang kasinungalian ang mga ikinaso ng gubyerno laban sa akin at ginamit lamang para sa benggatibong layunin ni Duterte.”

Sa hiwalay na pahayag na inilabas sa parehong araw, pinasalamatan niya ang blokeng Makabayan at iba pang myembro ng minorya sa Kongreso na nagsumite ng resolusyon para itulak ang Department of Justice na iatras ang lahat ng natitirang kaso laban sa kanya. Isang kaparehong resolusyon ang inihapag ng dalawang myembro ng minorya sa senado (Sen. Riza Hontiveros at Sen. Koko Pimentel) noon pang Hulyo 27.

Sa kabila ng pagbabasura ng Ombudsman at mga pag-atras ng mga saksi sa kaso, nanindigan ang bagong kalihim ng DoJ na si Jesus Crispin Remulla na hindi iaatras ng ahensya ang mga kaso laban sa senador. Noong Pebrero 2021, ibinasura na ng isang korte sa Muntinlupa ang isa sa tatlong kasong kaugnay sa droga na nakasampa laban sa kanya.

Limang taon nang nakakulong si de Lima. Inaresto siya noong Pebrero 2017 sa gawa-gawang kasong drug trafficking.

AB: Kasong panunuhol laban kay Sen. de Lima, ibinasura ng Ombudsman