Kwentong kanayunan: Kayod-kalabaw sa pagtatanim ng mais
(Ang sumusunod ay mas mahabang bersyon ng artikulong lumabas sa Ang Bayan, Setyembre 21, 2021. Ang mga kwento ay hango sa pakikipanayam para sa Ang Bayan ng mga manunulat ng Panghimakas, rebolusyonaryong pahayagan ng isla ng Negros.)
Inilalarawan ng dalawang magsasaka ng isang komunidad sa Negros ang kayod-kalabaw na proseso sa pagsasaka at mga problemang kinahaharap sa araw-araw dulot ng hindi mekanisadong pamamaraan ng produksyon at kawalan ng suporta mula sa estado.
Bagamat pag-aari nila ang lupa, lubha itong maliit at sapat lamang ang kanilang produksyon ng mais para sa konsumo ng kani-kanilang mga pamilya. Dagdag na pasakit pa sa kanila ang malawakang operasyong militar sa kani-kanilang komunidad dahil ipinagbabawal ng mga sundalo ang pagtatrabaho sa bukid tuwing inookupa ng mga sundalo ang kanilang mga baryo.
Isa ang 32-taong gulang na si Roger sa siyam na magkakapatid na nagsasaka ng mais. Pito sa kanila ang nakatira sa isang bahay at magkatuwang sa pagsasaka. Mayroon silang pagmamay-aring 12 ektaryang lupa at sangkapat nito ay nakalaan para sa mais na pangkonsumo ng kanilang pamilya. Mas malaking bahagi ng kanilang mga sakahan ay nakalaan sa mga pananim na ibinebenta para ipantustos sa iba pang mga pangangailangan. Hiwa-hiwalay na parsela ang kanilang mga sakahan sa isang liblib na komunidad na mararating lamang sa pamamagitan ng kabayo.
Kayod-kalabaw ang pagsasaka ng mais mula sa paghahanda ng lupa hanggang sa pagpoproseso ng mais. Anim na araw kada linggo ang inilalaan ng magkakapatid sa maisan. Dalawa’t kalahating linggo ang iginugugol sa hagbas (paghawan sa sakahan), isa hanggang dalawang araw sa pag-aararo, isang araw sa pagpupunla, at isang linggo sa pagdadamo. Katumbas ito ng halos 30 araw sa kada siklo ng sakahan. Nagsisimula silang magtrabaho ng alas-7 sa umaga, at natatapos alas-4 sa hapon.
Tatlong beses kada taon ang kanilang pag-ani ng mais. Kadalasang dalawa hanggang tatlong gatang (tinatayang 2.25 kilo) ng butil ng mais ang kanilang napupunla kada anihan mula sa dalawang magkahiwalay na parsela ng lupa. Dahil lokal ang binhi, hindi sila nakasalalay sa komersyal na abono, pestisidyo at herbisidyo. Kalabaw at araro lamang ang gamit nila sa produksyon.
Sa abereyds, 34 sako ng butil ng mais ang naaani ng magkakapatid kada taon. Manu-mano nila itong ginigiling gamit ang bato at nakapoprodyus ng aabot sa 17 sako ng bigas-mais. Sapat lamang ito para sa kanilang konsumo. Hindi na nila ito ipinagigiling sa sentrong bayan na isang araw ang layo at gagastos ng ₱500 para sa transportasyon.
Umaabot sa tatlong sako at 15 gatang (33.75 kilo) ng bigas-mais ang kinokonsumo ng pamilya ni Roger kada buwan. Labas dito, aabot sa ₱2,400 ang kinakailangan ng pamilya para ipantustos sa araw-araw, at kinukuha mula sa pagbebenta ng iba pang mga pananim. Dahil hindi sapat ang kita, tuyo lamang ang madalas nilang inuulam lalo na ngayong pandemya dahil bumagsak ang presyo ng kanilang mga produkto habang sumisirit ang presyo ng mga bilihin. Wala siyang natanggap na anumang ayuda sa panahong ito.
Samantala, ang 19-taong gulang na si Darwin ay isa sa pitong magkakapatid na magkakatuwang sa pagsasaka ng mais sa dalawang ektaryang lupa. Magkakahiwalay na parsela ang binubungkal nilang magkakapatid. Maliban sa mais, nagtatanim sila ng palay, saging, luya at iba pang halamang ugat sa limang ektarya ng lupa na kanilang ibinebenta para ipantustos sa mga gastusin sa araw-araw. Malaking bahagi ng mais na kanilang naaani ay kinokonsumo ng pamilya, habang maliit na bahagi naman ay ibinebenta para ipambili ng mga sangkap sa produksyon.
Dalawang beses lamang silang nagtatanim ng mais kada taon dahil ang pangunahin nilang produkto ay palay. Ang kadalasang oras ng pagtatrabaho sa maisan ay nagsisimula ng alas-6 sa umaga at natatapos ng alas-5 sa hapon, mula Lunes hanggang Biyernes. Para sa 2-ektaryang lupa, dalawang linggo ang iginugugol sa paghahawan ng sakahan, dalawa hanggang tatlong araw sa pag-aararo, dalawang araw sa pagpupunla, apat na araw sa pagdadamo, at isang araw sa pag-aabono. Katumbas ito ng tinatayang halos 24 araw na trabaho sa kada parsela ng maisan sa kada siklo ng sakahan.
Umaabot sa 7 gatang (nasa 15.75 kilo) ng binhi ang kanilang naipupunla kada sakahan na nakakaprodyus ng 18 sako ng butil ng mais. Umaabot sa ₱728-₱942 ang presyo kada sako ng butil ng mais (katumbas ng 50 kilo) o ₱14.57-₱18.85 kada kilo. Ang isang sako ng butil ng mais ay nakakapagprodyus ng 25 kilo ng bigas-mais.
Para sa isang sakahan, bumibili ang magkakapatid ng anim na sako ng abono para sa kanilang palayan at maisan (apat na sako para sa palayan at dalawa para sa maisan). Ang pambili ng abono ay kinukuha mula sa kita sa benta ng butil ng mais mula mismo sa negosyanteng naggigiling nito. Ang pitong sako ng butil ng mais ay katumbas ng 6 sako ng abono. Sa abereyds, ang presyo ng abono ay umaabot sa ₱850-₱1,100 kada sako o katumbas ng ₱5,100-₱6,600 para sa anim na sako. Nasa lima at kalahating sako na lang ng bigas-mais ang natitira para pagkasyahin sa loob ng anim na buwan. Kulang na kulang ito dahil umaabot sa halos 2 sako ang kinukonsumo ng kanilang pamilya kada buwan. Dagdag pa rito ang ₱3,000 na kinakailangan nilang kitain para ipantustos sa iba pang mga gastusin sa bahay.
Nahaharap sa bantang pangangamkam ng lupa ang pamilya nina Darwin dahil saklaw ang kanilang mga sakahan ng programang Enhanced National Greening Program ng reaksyunaryong estado. Binago ang klasipikasyon ng kanilang lupain bilang isang watershed area at planong taniman ng mga mga komersyal na kahoy sa ngalan ng huwad na programang reporestasyon ng rehimen.