Mga bilanggong pulitikal sa Southern Tagalog, ginigipit
Dumaranas ng malupit na pagtrato ang mga bilanggong pulitikal na nakapiit sa Pagbilao District Jail – BJMP. Ito ang ibinunyag ng mga grupong nagtatanggol sa karapatang-tao sa Southern Tagalog (ST) sa isang pahayag na inilabas noong Agosto 8.
Kinundena ng Karapatan-ST ang ginigipit sa loob ng kulungan kina Ernesto Lorenzo, Renante De Leon, Carlo Reduta, Erlindo Baez, Willy Capareño, Renante De Leon, Hilario de Roxas, Ruben Estocado, Fidel Holanda at Jesus Abetria. Pinagbabawalan sila na gumamit ng telepono para makatawag, pinagkakaitan ng malinis na tubig inumin at hinihigpitan ang kanilang mga dalaw. Binatikos nila ang pagtatanim ng mga gwardya ng bala sa kanilang mga selda, na ginamit na dahilan para higpitan ang pagbabantay sa kanila. Igiit nila sa mga upisyal ng preso na itigil ang pagbabansag sa kanila bilang mga “terorista.”
Marami sa mga bilanggong pulitikal ay senior citizen na at may mga iniindang karamdaman.